Maaaring nagsasanib-puwersa na ang mga teroristang grupo sa Mindanao na nagpahayag ng suporta sa ISIS at gumawa ng panibagong grupo sa ilalim ng Islamic State on Iraq and Syria (ISIS), pahayag ng isang security analyst nitong Huwebes ng hapon.

Sa ulat ng GMA News, sinabi umano ni security analyst Rommel Banlaoi na tatawagin ang bagong grupo na "Daula Islamiyya Wilayatul Masriq" o Islamic State East Asia Division (ISEAD). 

Pahayag ni Banlaoi, batay sa kanyang impormasyon, ang Abu Sayyaf leader na si Isnilon Hapilon umano ang nag-organisa upang mapag-isa ang mga grupo sa Mindanao na sang-ayon sa hangarin ng international terrorist group na ISIS.

Gagawing vice chairman naman umano ang magkapatid na Abdullah at Omarkhayam Maute, ang mga lider ng Maute Group.

Dagdag ni Banlaoi, maaaring ang pagsasanib-puwersa ng mga teroristang grupo sa Mindanao ang dahilan kung bakit nasurpresa ang militar sa dami ng mga nakasagupa nilang mga terorista sa Marawi City noong Martes.

Taliwas umano ito sa unang pahayag ng militar na hindi mga tagasunod ng ISIS ang grupong umatake sa Marawi at mga local terrorist group lamang ang mga ito at nagpapansin lamang.

Dagdag ni Banlaoi, nakakuha pa umano ng mga kabataang recruit ang grupo sa Marawi na gagawing suicide bombers. —LBG, GMA News