Patay ang isang pulis matapos mabaril sa bibig habang nagsasagawa umano ng operasyon kontra sa droga sa Caloocan City. Ang kanilang target, nakatakas.
Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, kinilala ang nasawing pulis na si PO2 Froilan Deocaris.
Ayon kay Police Senior Insp. Leo Tomas, hepe ng Northern Police District Drugs Enforcement Unit, nangyari ang insidente habang nag-iimbestiga tungkol ilang suspek sa iligal na droga ang kanilang grupo sa Caloocan nitong Lunes ng gabi.
Pero pagdating umano ng operatiba sa barangay 28, kaagad silang pinagbabaril at tinamaan si Deocaris sa bibig na dahilan ng kaniyang pagkamatay.
Nakatakas naman ang dalawang target umano sa naturang operasyon.
Labis naman ang hinagpis ng misis ni Deocaris na si Jonah dahil pumanaw ito nang hindi nila naayos ang kanilang hindi pagkakaunawaan na dahilan ng kanilang paghihiwalay.
"Sorry lang. Siyempre mahal na mahal ko naman 'yan. Sabi ko lang kukuha kami ng tamang panahon para magkabalikan kaso huli na lahat," umiiyak niyang pahayag.
Ang mga anak na nasa pangangalaga ng asawa, hindi rin daw matanggap ang nangyari.
"Sabi ko patay na si papa. Ngayon wala silang kasama kasi inaantay nga nila yung papa nila, sabi nga alas diyes uuwi na nga daw e. Tapos wala na," dagdag ng ginang. -- FRJ, GMA News
