Kumakalat ngayon sa social media ang video footage habang sinira ng mga pinaniniwalaang miyembro ng Maute group ang mga imahen sa loob ng simbahan na kanilang inukopa sa Marawi City. Ang naturang kapangahasan ng mga terorista, kinondena ng ilang obispo at pari.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang video footage na kuha umano ng Maute group nang salakayin nila ang St. Mary's Cathedral sa Marawi noong May 23.
Makikita sa video ang pagsira nila sa ilang imahen ng santo, at pinaghahampas ang krus sa loob ng simbahan.
Pati ang mga larawan nina Pope Francis at Pope Emeritus Benedict XVI, kanilang pinunit.
Ayon kay Marawi Bishop Edwin dela Peña, ang St. Mary's Cathedral ang nasa video, kung saan dinukot din si Fr. Chito Suganob at ang kanyang mga kasamahan.
Nang mapanood niya ang video, mariin niyang kinondena ang ginawa ng mga terorista na tinawag niyang blasphemy at demonic.
Binigyan-diin naman ni Archbishop Oscar Cruz, na mga terorista at masasamang elemento man ang nanira sa simbahan sa Marawi, hindi raw ito dapat makaapekto sa kapatiran ng mga Muslim at Kristiyano.
Kinondena rin ng iba pang simbahan sa Mindanao ang ginawa ng mga terorista. Gayunman, nanawagan sila na huwag magpadala sa gustong mangyari ng mga terorista.
Ayon kay Fr. Marciano Villagracia, spokesperon ng Archdiocese ng Zamboanga, gawaing terorista ang ipinakita ng mga sumalakay na dapat kondenahin.
Pero dapat pa rin daw na kontrolin ng publiko ang emosyon at hindi dapat magpadala sa emosyon. -- FRJ, GMA News
