Pangalawa umano ang Pilipinas sa mga bansa sa Asia Pacific Region na hindi pinakamapayapa, batay sa ulat ng inilabas ng Institute for Economics and Peace.

Batay sa report,  nangunga sa listahan ng magulang bansa ang North Korea. Sumunod naman sa Pilipinas ang Myanmar, China at Thailand.

Itinuturing pinakamapayapang bansa sa rehiyon ang New Zealand.

Ilan sa mga dahilan umano kung bakit bumaba ang ranggo ng Pilipinas ay ang madugong kampanya kontra-droga at kriminalidad ng kasalukuyang administrasyon, ayon sa ulat ng GMA News "Unang Balita."

Sa pagtaas ng mga kaso ng mga umano'y extrajudicial killings ng mga hinihinalang kriminal at mga drug suspect,  nalalagay din daw sa alanganin ang seguridad ng ordinaryong mamamayan.

Sa kabila nito, tumaas naman ang ranggo ng Pilipinas sa Global State of Peace sa parehong report.

Nangyari daw ito dahil humupa ang sigalot ng Pilipinas sa China sa isyu ng South China Sea.

Ang Iceland ang itinuturing na pinakamapayapang bansa sa buong mundo. -- FRJ, GMA News