Ilang residente ng Marawi ang napilitang lumangoy nang halos kalahating kilometro matawid lamang ang isang ilog upang makahanap ng ligtas na lugar at makalayo sa gulo sa lungsod.

Ayon sa GMA News “Balitanghali” report ni Cedric Castillo, 11 residente ang nakahanap ng tiyempo na makatakas at tawirin ang Agos River matapos tumigil ang aerial bombardment bandang 6:00-6:30pm kahapon ng Biyernes.

Ang grupo ay nasa wastong edad na, na binubuo ng mag-asawang Maranao at siyam na Kristyanong nagtatrabaho sa kanilang tindahan.

Sinabi ng lider ng pangkat na mayroon siyang contact sa mga Marines na pinayuhan sila na lisanin na ang lugar matapos ang airstrike.

Sobrang pagod, gutom, at takot ang kanilang dinanas, bago baybayin ang may 500 metro na bahagi ng Agos River.

Ayon sa isang ginang, “'yung buwan lang ang maliwanag, 'yung puno lang ang naging marker.”

“Nagbulung-bulungan po, hindi puwede malakas [kasi baka] marinig kami ng ISIS. Nung pumutok 'yung bomba na ang lakas, 'di kami makahinga, para kaming mato-trauma,” sinabi ng isa pang babae.

Kaninang umaga ay sumailalim na sa stress debriefing at basic medical check-up ang grupo.

Hindi naman masabi kung may naiwan pang ibang residente sa pinanggalingan nila.

Tumangging magpahayag ang militar tungkol sa diumano'y plano nilang tapusin na nang tuluyan ang bakbakan sa Hunyo 12 o Independence Day.

Ayon naman sa Task Force Marawi, aabot sa lima ang naitalang nasawing sundalo galing sa kanilang pangkat.

Tumanggi ring magpahayag si Western Mindanao Command chief Carlito Galvez tungkol sa implikasyon ng pagkakahuli ng ina ng Maute brothers na siya diumanong pinansiyer ng teroristang grupo. — Jamil Santos/MDM, GMA News