Anim katao, kabilang ang isang magkasintahan, ang pinatay sa limang magkakahiwalay na pamamaril sa loob lamang ng limang oras sa Navotas City.

Bandang 10 p.m. nitong Lunes nang dukutin si Jayson Descartin, isang pedicab driver, mula sa kanilang bahay sa Barangay San Roque.

Ilang minuto ang nakalipas, natagpuan siya ng mga tao na patay sa Raja Calantiyaw Street, Barangay Daang Hari.

Ayon sa mga saksi, tatlong lalaki na pawang naka-bonnet at magkakaangkas sa isang motorsiklo ang pumaslang kay Descartin.

Inamin ng kanyang mga kamag-anak na may sangkot sa ilegal na droga ang biktima.

Pasado hatinggabi, pinaslang naman ang bugaw na si Virgilio dela Cruz sa F. Ablola Street sa Barangay Tangos.

Naghihintay umano ng customer ang biktima nang paslangin ng hindi pa kilalang salarin.

Pinasok din at dinukot si Archie Quitco, 38, mula sa kanyang bahay sa Barangay North Bay Boulevard South bandang 1 a.m. at pinagbabaril ng mga salarin na nakasuot din ng bonnet sa Ylang Ylang Street.

Ayon sa ina ng biktima, tumakbo ang kanyang anak paakyat sa ikalawang palapag ng kanilang bahay at humingi ng tulong habang  hinahabol ng dalawang lalaki.

Sinabi ni Aleng Erlinda na nakiusap siya at kanyang ibang mga anak sa mga lalaki na huwag nang kunin si Quitco ngunit kinaladkad pa rin siya ng mga salarin.

Idinagdag ni Aleng Erlinda na sinundan pa nila ang mga lalaki habang kaladkad ang kanyang anak upang protektahan, ngunit nang makahanap ng tiyempo ang mga salarin ay pinagbabaril hanggang sa mapatay si Quitco.

Bukod sa dalawang salarin, may dalawa pa umanong lalaki ang sakot na nagsilbing lookout.

Aminado si Aleng Erlinda na gumagamit ng droga ang kanyang anak.

Samantala, patay na rin nang matagpuan ang magkasintahang sina John Mark Bañares, 25 at Liezel Llimit, 16, sa Barangay Bangkulasi pasado alas dos ng madaling araw.

Kuwento ng Barangay Assistant Ex-O na si Ruel Managio, sunud-sunod na putok ng baril ang narinig nila sa lugar kung saan natagpuang patay ang magkasintahan.

Apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang nakitang tumalilis palayo sa lugar pagkatapos ng sunud-sunod na putok ng baril.

Ayon kay Managio, walang record sa kanilang barangay si Llimit pero may nakuhang tatlong sachet ng shabu mula sa bangkay ng magkasintahan.

May nakuha ring pen gun at siyam na basyo ng 'di pa matukoy na kalibre ng baril mula sa pinangyarihan ng krimen.

Pasado alas tres y medya ng madaling araw naman nang pagbabarilin si Ace John Atok, 20, sa bahay ng kanyang kinakasama sa Barangay Tumana.

Kwento ng mga saksi, pagpasok sa naturang bahay ay isang armadong lalaki ang sumunod kay Atok. Pinatay pa umano ng lalaki ang gasera sa bahay bago barilin ang biktima.

May kasama pa umanong dalawang lalaking lookout ang lalaking bumaril kay Atok, na dati nang sumuko sa Oplan Tokhang ng pulisya.

Bago ang pamamaslang ay nakatanggap pa raw si Atok ng banta sa kanyang buhay ngunit hindi alam ng mga kamag-anak kung kanino ito galing.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng Navotas City Police Station sa magkakahiwalay na pamamaslang. —ulat mula kay Victoria Tulad/ALG, GMA News