Nakaladkad at nasuntok ang isang 18-anyos na babaeng estudyante matapos siyang makipagbuno sa lalaking gustong tumangay ng kaniyang cellphone sa Sta. Cruz, Maynila.
Sa ulat ni James Agustin sa "Balitanghali" sa GMA News TV nitong Martes, makikita sa CCTV camera ang biktima na naglalakad habang nagte-text nang biglang hablutin ng isang lalaki ang kaniyang cellphone.
Pero hindi binitawan ng babae ang hawak na telepono kaya hinatak siya ng lalaki hanggang sa mapahiga na ang dalawa sa kalsada.
Kahit pa kinakaladkad, hindi pa rin binitawan ng babae ang pagkakahawak sa kaniyang gadget.
Makikita pa sa CCTV na tila sinuntok ng lalaki ang biktima pero tuloy pa rin ang kanilang pag-aagawan.
Ayon sa biktima, papasok pa lang siya sa eskwelahan nang mangyari ang insidente.
"Patuloy pa rin po ['yung] pagsuntok niya sa akin tapos natutumba-tumba pa rin po ako. Hanggang sa makarating na po kami sa dulo nu'ng eskinita. Nakalabas na po kami. Maraming tao du'n tapos du'n nagpatulong ako na hulihin na 'yung snatcher," kuwento ng dalaga.
Nagtamo ng galos at pasa sa kamay ang biktima.
Makikita rin sa CCTV footage na bitbit na ng mga barangay tanod ang suspek na kinilalang si Harriz Henson.
Aminado ang suspek na ilang beses na siyang nagnanakaw dahil umano sa kahirapan.
"Pangatlong beses... dahil sa bisyo at kailangan ng kaperahan," pahayag ni Henson.
Napag-alaman na miyembro umano ng commando gang ang suspek at ilang beses na ring nakulong.
Payo naman ng mga pulis na iwasan ang mga 'di gaanong mataong lugar para hindi mabiktima ng ganitong krimen.-- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News
