Sa pagso-sorry nauwi ang tapang ng isang motorista sa Makati City matapos siyang masakote ng mga traffic aide dahil sa umano'y illegal parking sa San Lorenzo Village.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa "24 Oras" nitong Miyerkules, maamo ang tono ng motoristang si Jayson Tamares na humingi ng dispensa sa traffic enforcer na si Donald Catamora.
"Humihingi na po ako ng tawad, lumuluhod na po ako sa kanya, ayoko pong magkaroon ng record," ani Tamares, na sinubukang hulihin ni Catamora dahil sa umano'y illegal parking.
Dagdag pa ng motorista: "Hindi ko po napansin eh. Kaya yung pagkatok niya sa 'kin, umalis na po ako. Akala ko po OK na. Nabastos ko pala siya."
Pero kung anong amo niya sa presinto, siya namang tapang niya ilang oras ang nakakaraan nang ma-hulicam ang sinusubok na paghuli sa kaniya ng mga traffic enforcer.
Sa isang cellphone video, makikitang nakatayo si Catamora sa harap ng sasakyan ni Tamares upang patigilin ito, pero hindi pa rin pumreno ang sasakyan.
Matapos nito, lumabas ng sasakyan si Catamora at narinig na sumigaw, "Gusto mo suntukan tayo?"
Sagot ni Catamora: "Eh binangga mo ako, andar ka ng andar eh. Hindi mo ko binangga?"
Tugon naman ni Tamares: "Nakaharang ka diyan. G—o ka pala eh."
Pagkatapos nito, bumalik sa kaniyang sasakyan si Tamares at pinatakbo ito, kaya natamaan si Catamora.
"Yung last na kaladkad niya sa 'kin, alam ko pong bibilis na sasakyan niya, medyo tumagilid na po ako, kaya tumama kamay ko sa side mirror, saka nabasag," ani Catamora.
Dumating ang iba pang mga kasama ng traffic enforcer, at nahuli na rin sa wakas si Tamares.
Pero ang pagmamakaawa ni Tamares sa presinto, tila wa-epek kay Catamora.
"Wala po talagang balak magpaareglo. Kasi po para maturuan ng leksyon. At saka para makita rin po ng ibang tao na hindi lahat ng enforcer nakukuha sa sorry sorry lang," ani Catamora. —JST, GMA News
