Isang lalaki ang nakunan ng babaeng rider na humahabol at tinatangkang buksan ang pinto ng kaniyang sasakyan sa Bacoor, Cavite.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Miyerkoles, mapanonood ang viral na video, kung saan maririnig na natakot ang babaeng sakay ng kotse.
Kalaunan, napasigaw at umarangkada na lamang siya.
Sinabi ni Bacoor City Mayor Strike Revilla na nakararanas ng mental health problem ang lalaki sa video.
Nagkita na ang lalaki at kaniyang pamilya, ayon sa Bacoor City Police.
Bago nag-viral ang video, limang araw umanong nawala ang lalaki.
Humiling ang pamilya sa publiko ng kaunting pang-unawa para sa kanilang kaanak. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
