Hindi pa man tapos ang usapin tungkol sa nakalusot na malaking bulto ng iligal na droga, nahaharap sa panibagong kontrobersiya ang Bureau of Customs dahil sa pagkuha umano sa serbisyo ng may 28 professional basketball at volleyball players na nakalagay sa iba't ibang posisyon ng ahensiya para maglaro sa kanilang koponan at maging "intel officers" at "technical assistants'

Sa ginanap na pagdinig sa Kamara de Representantes nitong Miyerkules na tumagal hanggang gabi, ipinakita ni Batangas Rep. Raneo Abu ang Customs Special Order No. 58 series of 2016, ang listahan na ibinigay daw sa kaniya na nakasaad ang pangalan ng ilang players kabilang na sina Kenneth Duremdes, Marlo Aquino, Edward Joseph Feihl at si Allysa Valdez.

 

(Larawan mula sa Twitter ni dzBB radio Weng Salvacion)

Kapansin-pansin sa listahan na ilan sa "28 Customs personnel" na kilala sa pagiging basketball at volleyball players, na iba ang pagkaka-spelling ng pangalan.

Nakasaad din sa dokumento na ang Chief of staff ni BOC Commissioner Nicanor Faeldon na si Atty. Mandy Anderson, ang "authorized to sign [their] daily time record."

Sa panayam ng mga mamamahayag nitong Huwebes, sinabi ni Abu na inamin umano ni Faeldon na kinuha ng BOC ang mga manlalaro.

Sinusubukan pa ng GMA News Online na makuha ang panig ng mga taong nasa listahan.

Ayon kay Abu, ikinagulat niya ang pag-amin na ginawa ni Faeldon dahil na rin umano sa pahayag ng huli na isusulong ang reporma sa ahensiya.

"Nagulat kami na minsan sinabi ni Commissioner Faeldon, ang ating mga kukunin na tao ay makakatulong natin para sa pagrereporma natin nitong Bureau of Customs," anang kongresista.

"Ngayon, from nowhere, may nagpadala sa akin na mga dokumento kung sino yung mga hinire. Nagulat ako na nag-hire pala ito ng mga empleyado na siya naming nakakalaban noon sa UNTV [Cup]," dagdag niya.

Ang UNTV Cup ay isang charity basketball game na mga team mula sa iba't ibang ahensiya ng pamahalaan ang naglalaro.

"Gusto kong malaman kung ano bang qualification, kung ito ba ay makakatulong sa pagpapataas ng antas ng panunungkulan sa BOC," dagdag ni Abu.

Idinagdag ng kongresista na sinabi umano ni Faeldon na kinuha rin ang serbisyo ng mga manlalaro bilang "intelligence officers" at "technical assistants."

Hiningi umano niya sa BOC ang "201 files" ng mga kawani.

"Kapag nakita natin na hindi qualified, ipatatawag natin ang Civil Service Commission at ipabubusisi natin 'yan," ayon sa mambabatas.

Nagsasagawa ng pagdinig ang Kamara kaugnay sa P6.4-bilyong halaga ng shabu na nakalusot sa BOC pero nasabat din kinalaunan sa isang bodega sa Valenzuela City.
FRJ, GMA News