Sinibak sa pagiging desk officer ang isang pulis matapos umano nitong molestiyahin ang babae naaresto sa kasong estafa sa loob ng kanilang istasyon.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa "24 Oras" nitong Huwebes, dinakip ng Marilao Police noong nakaraang Biyernes si "Janine," hindi niya tunay na pangalan, na nahaharap sa kasong estafa.
Matapos makarating sa headquarters, sa cubicle ng radio room ng istasyon dinala si Janine kung saan pansamantala siyang pinigil.
Pagsapit ng dilim, nilapitan daw siya ng suspek na si PO1 Mark Anthony Mendoza na naka-duty noon.
"'Tara dito, tabi ka sa akin,' tapos kinuha niya yung uupuan ko, nilagay niya sa tabi niya," salaysay ng biktima.
Pinapatay daw ni Mendoza ang ilaw sa cubicle at dito na nangyari ang umano'y pangmomolestiya.
"Bigla niya po akong niyakap, binaba niya yung kamay niya sa ari ko po."
Salaysay pa ni Janine, hindi na niya nagawang humingi ng saklolo sa iba pang pulis na nasa istasyon dahil sa takot na baka siya barilin ni Mendoza.
"Hindi ko alam kung sisigaw ako, o ano, kasi pag bigla akong tumakbo, barilin niya ako, ayun lang po yung iniisip ko," aniya.
Nitong Huwebes, lumapit ang biktima kay Bulacan Provincial Director Senior Supt. Romeo Caramat, na pina-"line-up" ang mga pulis na naka-duty nang mangyari ang krimen.
Dito na itinuro ng biktima si Mendoza.
Tinanggalan ng tsapa at baril at sinibak sa pagiging desk officer ng Marilao Police ang suspek.
"Wag ka matakot! Kung ano kailangan mo na proteksyon, bibigay namin sa iyo," garantiya ni Caramat sa biktima.
Sumailalim na sa pagsusuri sa crime laboratory ang biktima at kinunan ng salaysay para sa paghahain ng kanyang pormal na reklamo.
"Hustisya lang po. Inaareglo niya kami, pero hindi po kami pumapayag kasi po gusto namin ng katarungan eh," sabi ng biktima.
Depensa naman ng suspek, gawa-gawa lang ito ng biktima para makakuha ng pera sa mga pulis.
"Nagulat talaga ako, dahil hindi ko akalain na pwede pa lang mangyari ang ganito."
"May nakuha ako na impormasyon, na kailangan niya ng P200,000 dahil sa estafa case niya. Eh akala niya siguro may pera ang pulis, baka po naisip niya pag gumawa siya ng ganito, eh makakakuha siya ng pera laban sa amin," dagdag pa ng pulis.
"We will not tolerate this kind of action," sabi ni Caramat. —Jamil Santos/JST, GMA News
