Nasagip sa magkahiwalay na operasyon ng mga awtoridad ang 27 babaeng— karamihan ay menor de edad— na ibinubugaw umano sa Maynila. Ang ilang biktima, mistulang paninda na inilalako ng bugaw sa mga kliyente sa pamamagitan ng private messaging.

Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing nasagip ang mga babae sa magkahiwalay na entrapment operation sa isang KTV at motel sa Tondo, Maynila.

Makikita sa isang cellphone video ang nangyaring transaksyon ng asset ng pulisya sa isa umanong bugaw na kasama ang ilang menor de edad na babae.

Apat na babae ang nadakip sa naturang operasyon kabilang sina Jobel Galang,  Kimberly Mangila at Rhodora Alonzo.

Sinabi ni Alonzo na ginagawa niya ang pagbubugaw sa mga babae dahil sa kahirapan. Pero giit niya, hindi niya pinipilit ang mga babae.

Ayon naman kay Galang, unang beses lang niya itong ginawa at na-setup lang sila.

"Sabi meet up lang tapos kain lang, kasama ko pa nga po 'yung anak ko. Di ko po alam na ganito," paliwanag niya.

Ayon kay Police Sr. Superintendent  Villamor Tuliao, hepe ng Women and Children Protection Center ng Camp Crame, mga hindi na nag-aaral ang mga dalagitang nasagip.

Ang mga nasagip na dalagita, inaming problema sa kani-kanilang pamilya ang dahilan kaya sila napasama sa naturang gawain.

Isasailalim ang mga dalagita sa pangangalaga ng City Social Welfare and Development sa Maynila matapos silang mapa-medical.

Mahaharap naman sa reklamong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act ang mga inaresto. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News