Sa unang pagkakataon, ipinakita sa GMA News ang hindi pa maipaliwanag na pangyayari nang may makitang mga paa sa isang eksenang kinukunan sa shooting ng “Huwag Kang Titingin” gayung wala naman daw tao sa lugar na iyon nang mga sandaling iyon.
Sa panayam ni Nelson Canlas kina Sofia Pablo at Allen Ansay na ipinalabas sa GMA News 24 Oras nitong Biyernes, ikinuwento nila ang nakakakilabot na pangyayari kung saan ipina-cut ng director ang eksena dahil may nakitang mga paa sa camera.
Ayon kay Sophia, kinukunan noon ang eksena kung saan kinakaladkad siya kaya makikita rin ang ibaba sa anggulo ng camera.
Sa video ng naturang eksena, kitang-kita ang mga misteryosong paa na bigla ring naglaho. Pero giit nina Sophia at Allen, walang tao sa naturang lugar bago pa man gawin ang eksena.
Nagbilin din daw ang director na walang tatayo sa naturang lugar.
Kahit ang personal assistant ni Sophia, nagsabi rin sa kaniya na wala silang nakitang tao na nakatayo sa lugar nang sandaling iyon.
“Kita mo talaga [sa camera] dalawa talaga silang nakatayo,” ayon sa young aktres.
Hinanap daw kung sino ang nahagip na mga paa sa camera pero hindi nila nakita.
“Kasi wala talagang nakatayo,” dagdag ni Sophia
Sinegundahan ito ni Allen na nagsabing lahat sila ay nasa kabilang bahagi kaya imposibleng may tao sa lugar na nakuhanan ang mga paa.
Nang tanungin si Sophia kung ano ang naramdaman niya nang makita ang video, natatawa niyang sagot, "Natakot po ako siyempre, pero nung time na 'yon kailangang tapusin yung work.”
Ayon kay Sophia, nasa 3 am o 4 am nang makuhanan ang naturang eksena.
Ginawa na lang daw nilang biruan ang naturang kakaiba at hindi maipaliwanag na pangyayari.
Mapapanood na sa April 15 sa mga sinehan ang 'Huwag Kang Titingin.” – FRJ GMA Integrated News
