Sa halip na masarap na handa sa kaniyang kaarawan, sermon ang napala ng isang menor de edad na lalaki na nasakote matapos mang-agaw ng cellphone sa isang dalagang pasahero sa tricycle sa Tondo, Maynila.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, nakunan ng CCTV ang binatilyo na tila nag-aabang sa bangketa malapit sa isang paaralan sa Juan Luna Street sa Tondo.
Dahil labasan ng mga estudyante, naging mabagal ang daloy ng trapiko. Ilang saglit lang, makikitang nag-alis ng sapin sa paa ang lalaki dahil may nakita na pala itong bibiktimahin.
Nilapitan nito ang biktimang nakasakay sa tricycle, inagawan ng cellphone at kumaripas nang takbo.
Pero tinugis siya ng barangay security at naaresto.
Sa tanggapan ng barangay, idinahilan ng binatilyong Grade 11 student na magdiriwang siya ng ika-18 kaarawan sa susunod na araw kaya napilitan siyang mang-agaw ng gamit ng iba para may maipanghanda.
Dahil menor de edad, ipinatawag ng mga opisyal ang ina ng binatilyo na nangakong pagsasabihan at gagabayan lalo ang anak.
"Doon nga kami nahihirapan dahil siyempre, alam naman natin na may batas tayo na hindi puwedeng ipakulong ang minors, so ang nangyayari, dadalhin mo lang sa RAC (Reception and Action Center-DSWD). Pagdating sa RAC, tatawagin 'yung nanay, papapirmahin lang din tapos ire-release lang din sa nanay," pahayag ni Kapitan Lourdes Guttierez ng Barangay 163 Tondo, Manila.
Samantala, dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang nakunan din ng CCTV sa Juan Luna St. na hinihinalang naghahanap ng aagawan ng gadget.
Ayon kay Barangay Kagawad Ernesto de Jesus, kinutuban siya na may masamang balak ang mga lalaki dahil dalawang ulit na umano silang inikutan ng kaniyang kasama.
May dala raw na iPad ang kaniyang kasama at hinala niya na ito ang pupuntiryahing agawin ng mga lalaki kaya naging alisto siya.
Sa ikatlong beses na pag-ikot sa kanila ng mga lalaki, naisip raw ni de Jesus na bunutin ang kanyang cellphone sa baywang na posibleng inakala umano ng mga nakamotorsiklo na baril kaya biglang umalis.
Nagpayo ang barangay na maging alerto at mapagmatyag sa paligid. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
