Naghain ng reklamong kriminal nitong Biyernes ang pamilya ng 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos sa Department of Justice laban sa mga Caloocan police na sangkot sa pagkamatay ng binatilyo sa isang anti-drug operation noong Agosto 16.

Sa tulong ng Public Attorney's Office (PAO), nagsampa ng reklamong "murder and torture of a minor leading to death" ang pamilya ni Delos Santos laban kina Police Officer 3 Arnel Oares, P01 Jeremias Pereda, at Jerwin Cruz.

Kasama rin sa inireklamo ng murder si Caloocan City Police Community Precinct 7 commander Chief Inspector Amor Cerillo, supervisor ng tatlong pulis, at iba pang hindi kilalang indibidwal.

Ang reklamo ay pormal na tinanggap ni Assistant State Prosecutor Tofel Austria.

Ayon sa PAO, kasama si Cerillo sa reklamong pagpatay dahil sa kanyang command responsibility.

Kasama sa mga naghain ng reklamo sina Zaldy at Lorenza delos Santos, ang magulang ni Kian, at kanilang mga testigo.

Sumabay sa paghahain ng reklamo ang rally na isinagawa ng youth activists na kasapi ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), na nanawagan ng hustisya para sa pagkamatay ni Kian at pagwawakas sa kampanya ng gobyerno laban sa droga.

"We call for accountability of the police officials involved in the killings as well as accountability of the Commander-in-Chief (President Rodrigo Duterte) who legitimized the killings. We stand with Kian's family and with the victims of the fascist drug war," pahayag ng Bayan.

Maliban kay Cerillo, nasa ilalim ngayon sa restrictive custody ang tatlong pulis upang maisagawa ang impartial probe ng Philippine National Police-Internal Affair Service sa insidente.

Iginiit naman ng tatlong pulis na dinipensahan lamang nila ang mga sarili kay Delos Santos, na sinabi nilang drug runner daw, nang ito'y tumangging magpaaresto at nakipagbarilan sa kanila habang isinasagawa ang anti-drug operation sa Barangay 160.

Gayunpaman, sinabi ng pamilya ni Delos Santos na makikita sa CCTV camera footage na hindi maaaring makatakbo ang binata dahil bitbit na siya ng mga pulis matapos ang kanyang pagkahuli.

Sinabi rin ng mga testigo na narinig nila si Delos Santos na nagmakaawa sa kanyang buhay bago pinatay ng mga pulis.

Sinimulan na ng Senado ang pag-iimbestiga sa pagkamatay ni Delos Santos noong Huwebes. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News