Tinatayang P6 milyon halaga ng pera at mga alahas ang natangay mula sa isang condo unit owner sa Victoria de Manila sa lungsod ng Maynila.
Sa ulat ni Bam Alegre sa "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabing P2 milyon na cash at P4 milyon halaga ng alahas ang nakuha mula sa condo ng biktima.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Scene of the Crime Operatives na sinira at pinasok ang unit, ayon na rin sa mga nakuha nilang mga video at litrato.
Sinabi naman ng kinatawan ng gusali na wala raw CCTV sa 18th floor kung nasaan naroon ang niloobang unit.
Tumanggi magbigay ng pahayag ang biktima, na blangko pa sa kung sino o ilan ang mga salarin, at ipinaubaya na lamang niya sa mga imbestigador ang kaso.
Isang mamahaling relo at isang singsing na puno ng mga dyamante ang kabilang sa mga nawalang alahas, ayon sa ulat. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
