Halos P20,000 ang natangay mula sa isang shopper matapos nitong iabot ang pera sa inaakala niyang ahente ng vendor, ngunit magnanakaw pala sa Divisoria, Maynila, at nahagip ng CCTV ang bahagi ng pangyayari.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa "Balitanghali" nitong Biyernes, makikita na sumabay ang lalaki sa mag-ina sa isang tindahan ng mga damit sa Divisoria.
Makikitang panay ang dikit ng lalaki sa mag-ina, kaya inakala ng may-ari ng tindahan na driver siya ng mga ito.
Inakala naman ng senior citizen na customer na empleyado at ahente ng tindahan ang lalaki dahil panay ang pagkausap nito sa may-ari.
Nang mag-abot na ng bayad ang biktima, ang lalaki ang kumuha ng pera at agad inipit sa kamay niya.
Sinabi pa ng suspek na kulang daw ng P500 ang bayad, kaya nag-abot na naman ang biktima sa suspek.
Para manglito, pinagkwenta pa ng suspek ang biktima samantalang pinabilang niya sa may-ari ang bilbilhin na mga damit.
Nang maging abala ang mamimili at nagtitinda, unti-unti nang suspek sa tindahan.
Nang maningil ang tindero, saka na lang nalaman ng customer na naloko pala siya.
"Akala ng mga tindero, yung naka-black diyan, kasama nilang driver. Yung dalawang babae naman, akala nila, tindero yung lalaki. Kaya makikita mo sa CCTV, nagbebenta pa eh," ayon kay Domingo Go-Vacal, opisyal ng Barangay 269, Binondo, Maynila.
Nagsampa na ng reklamo ang biktima sa tanggapan ng Barangay 269, kung saan tumulong din ang may-ari ng tindahan sa pag-abot niya ng kopya ng CCTV sa biktima para mahanap ang suspek.
"Kung maaari, ibigay nila sa kahera yung bayad nila nang hindi sila maloko. Yung mga may-ari naman ng tindahan, dapat aware rin sila sa pumapasok na tao," payo ni Go-Vacal sa mga mamimili lalo na ngayong "ber" months. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
