Mas mapapasarap ang “bed weather” ngayong maulan at malamig ang panahon dahil ang kumot, hindi na lang pangtalukbong dahil maaari na ring isuot na pantulog. Pakulo iyan ng isang negosyante sa Quezon City na panalo umano ang kita.

Sa nakaraang episode ng “Pera Paraan,” itinampok ang pausong wearable blanket ni Carmina Mangalindan, na owner ng Bleeves PH.

Ilan sa kanilang mga produkto ang simpleng kumot, hanggang sa kumot na may hoodie, blazer at poncho ang estilo.

Nakuha ni Carmina ang ideya sa isang kaibigan, na nagbanggit sa kaniya tungkol sa wearable blankets sa U.S.

Kalaunan, may nakita siya nito sa isang mall.

“May isang aisle and then nandun lang siya, nag-iisang product. Iilan lang siya, maybe three pieces. So bumili ako ng isa. And then, it was not with the intention of doing business pero gusto ko lang for personal use,” kuwento niya.

“One random day, I decided na, I told my boyfriend then, sabi ko punta tayong Divisoria, gawin natin ito, hanap tayong tela, and then ipatahi natin. That time we only had P10,000, 'yon 'yung puhunan namin. And then bumili kami ng tela,” dagdag niya.

May patahian ang mga magulang ni Carmina kaya madaling siya nakagawa ng mga wearable blanket.

Nakapaglikha sila ng unang batch ng 30 piraso, na naibenta niya sa loob lamang ng 24 oras sa kaniyang Facebook page.

Sunod na niyang dinamihan ang sumunod na batch ng wearable blanket na agad bumenta rin online.

Gumagamit sila ng tela na tinatawag na Cuddle Fleece, na 100% polyester na isang synthetic fiber. Malambot pero makapal at komportable sa balat.

Matapos maputol ang tela, tinatahi na ito agad. Kada kumot, tumatagal ng humigit kumulang 5-10 minuto ang pagtahi. Nakagagawa umano ang kada mananahi ng nasa 50-100 wearable blankets sa loob ng isang araw.

Isusunod na nila ang trimming at quality check ng mga natahing kumot at packaging.

Maaaring i-hand wash, machine wash, dryer o airdry ang wearable blankets ni Carmina.

Mayroon din silang natitiklop at puwedeng gawing unan na kumot.

Bago nito, abogado muna si Carmina bago naging negosyante.

“It was not an easy decision of course kasi nag-aral ka for 4 years to be a lawyer and then iiwan mo lang siya. But I realized that maybe it's not for me. And ang iniisip ko lagi at the time I resigned was, ano bang mawawala? I want to try the business. I want to try if it will work. Chicken and eggs 'yun e. Maliit pa 'yung negosyo at that time. But I don't know kung lalaki siya if hindi ko siya bibigyan ng oras. Kailangan ko siyang palakihin,” sabi niya.

Mababa naman ang kanilang benta kapag maalinsangan ang panahon, o tuwing mga buwan ng Marso, Abril at Mayo.

Mabibili ang wearable blankets sa halagang P695 hanggang P1,795.

Mayroon itong 30 kulay na puwedeng pagpilian at puwede rin i-personalize.

Kumikita na ang negosyo ni Carmina ng six digits kada buwan.

“A lot of successful businesses, I think, nag-launch ng kung ano lang 'yung meron sila at that time, and then you improve it along the way. You really have to take a leap of faith and to try,” sabi ni Carmina. -- FRJ GMA News