Nagtala ng record-breaking opening sa local box office ang horror movie na “Insidious: Out of the Further.”
Ayon sa Columbia Pictures Industries, Inc., kumita ang pelikula ng P51,682,703 sa unang araw sa takilya, na pinakamalaking opening day sa lahat ng horror movie na ipinalabas sa Pilipinas.
Nalampasan nito ang kinita ng pelikulang “Insidious: The Red Door,” na nakapagtala rin ng box office record noong 2023.
Nag-alok ang SM Cinemas ng midnight screenings ng “Insidious: Out of the Further” sa iba't ibang bahagi ng Pilipinas simula nitong Agosto 19.
Nagbukas din ito ng isang espesyal na horror house installation. Kabilang sa mga kasaling sangay ang SM Mall of Asia, SM Megamall, at SM North EDSA.
Sinusundan ng “Insidious: Out of the Further” ang kuwento ng isang batang ina na si Gemma (Amelia Eve), na natuklasang kaya niyang maglakbay patungo sa “The Further.” Habang sinusubukan niyang maunawaan ang kaniyang kakayahan, nalaman niyang hindi lamang siya ang may kakayahang maglakbay papasok at palabas ng mala-purgatoryong mundong ito.
Ang “Insidious,” na unang ipinalabas noong 2010, ang nagpasimula sa sikat na horror franchise. Umiikot ang kuwento nito sa isang pamilya na nakararanas ng mga paranormal o nakakakilabot na pangyayari.—FRJ GMA News

