Patay na nang matagpuan at hinihinalang ginahasa ang isang 16-anyos na babae sa Pasig City na nakasubsob ang ulo, nakataas ang mga binti at magka-ekis ang mga paa. Hindi matanggap ng ina ang sinapit ng anak na mabait umano at pangarap na maging guro.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkules, sinabing Lunes ng madaling araw dakong 5:00 am nang makita ang bangkay ni Grace Omadlao sa Esguera St. sa Pinagbuhatan,  Pasig.

Bago makita ang bangkay ng biktima, nakunan pa siya sa CCTV camera kasama ang kaibigan ng kaniyang kapatid para ihatid sa Pinalad Road, dakong 10:00 pm noong Linggo.

Pero hindi na nakauwi ng bahay si Omadlao hanggang sa makita ang kaniyang bangkay.

Hinihinalang nasa tatlo hanggang apat na oras na umanong patay ang dalagita nang matagpuan.

Kuwento ng kaibigan ng biktima,  nakasalubong pa niya si Omadlao pagkatapos maghatid at ilang minuto silang nag-computer.

Una raw umalis sa kaniya ang biktima pero nagtaka siya nang mas una pa siyang makauwi.

Ayon kay Gubita Omadlao, ina ng biktima, may mga pasa sa katawan ang kaniyang anak at posible umanong paulit-ulit na ginahasa batay sa sumuri sa biktima.

"Biglang tumawag yung doktor na gumawa sa kanya yung parang medical siya,  ang sabi, 'Sobra ginawa sa anak mo, ginahasa nang ginahasa at sinakal pa.' Wala na 'kong tigil sa kaiiyak dahil 'di ko kayang tanggapin talaga," anang ginang.

Hinala ng pamilya Omadlao,  may kinalaman sa pagpatay sa dalagita ang tatlo hanggang apat na lalaking naglalakad na nahagip din sa CCTV camera at dumaan umano sa lugar kung saan iniwan ang labi ng biktima.

Sinabi naman ng kaibigan ng biktima na may naikukuwento dati ang dalagita tungkol sa lalaking masama raw ang tingin sa kaniya kapag dumadaan siya sa naturang lugar pagkagaling sa eskwelahan.

Ayon sa pulisya,  hindi pa maituturing na suspek sa krimen ang mga lalaki na kaunan sa CCTV at ang lalaking naikuwento ng biktima sa kaibigan.

Patuloy namang umaasa ang ina ng dalagita na mabibigyan ng katarungan ang kaniyang anak. -- FRJ/KVD, GMA News