Isang 53-anyos na lalaki ang malubhang nasugatan matapos na mauwi sa pananaksak ang pagsaway niya sa isang menor de edad dahil sa pag-iingay sa Sampaloc, Maynila nitong Miyerkules ng madaling araw. Ang suspek, ilang beses na umanong nasangkot sa nakawan.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing patuloy na inoobserbahan sa ospital ang biktimang si Samuel Clampano, 53-anyos, matapos saksakin ng binatilyo at tamaan ang kaniyang baga.

Sa kuha sa CCTV camera sa Roxas Street sa Sampaloc dakong 3:00 am noong Miyerkules, makikita ang binatilyo na unang sinasaway ng barangay tanod matapos na ireklamo ni Clampano ng pag-iingay.

"Ang ingay talaga ng boses, tapos sabi naman nung asawa ko, 'Huwag kayong maingay diyan. Natutulog na yung mga tao. Nakakabulabog kayo,'" ayon kay Trinidad Comboy, kinakasama ng biktima.

Tumulong na rin sa pagsaway sa binatilyo ang amain nito at makikita rin ang kanilang pagtatalo sa kalsada.

Maya-maya pa, sumugod na ni Clampano sa binatilyo, at nauwi sa suntukan ang kanilang komprontasyon.

Makikita rin sa video na kumuha ng bato ang binatilyo at inihagis sa direksyon ng Clampano na mabuting hindi tinamaan.

Sinuntok at kinalmot din ng binatilyo sa mukha ang umawat na tanod.

Sandaling humupa ang tensyon pero muling lumabas ang binatilyo na may nakatago na palang patalim at sumugod sa kinaroroonan ni  Clampano.

Bagaman may hawak din umanong patalim si Clampano, naunahan siya ng unday ng saksak ng binatilyo.

"May nagsabi sa kanya na 'Pre, may tama ka na.' 'Neng, neng, dalhin mo ko sa ospital mamatay na ako, may tama ako,' sabi ng asawa ko," kuwento ng kinakasama ng biktima.

Ayon kay King Ancheta, kapitan ng Barangay 446, labas-masok na sa DSWD ang menor de edad dahil sa mga kaso nitong pagnanakaw.

Dahil sa bagong kinasangkutang gulo, muli siyang dinala sa DSWD. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News