Naaresto nitong Huwebes ng gabi ang lalaking nakunan sa CCTV camera na sumaksak sa isang lalaki sa lamayan sa Santa Ana, Maynila. Pag-amin nito, lasing siya noon at napikon sa biktima sa kanilang paglalaro ng 'cara y cruz.'
Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Unang Balita," kinilala ang suspek na si Elmer Salinas, 57-anyos, na naaresto sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad.
Sinabi ni Chief Inspector Rommel Anicete ng Manila Police District Homicide division, na magkakilala sina Salinas at ang kaniyang biktima na si Teofilo Soriano, nasawi dahil sa tinamong mga saksak sa katawan.
"Magkakilala ito [suspect and victim], according naman 'to sa asawa ng naulila. Actually pati nga itong asawa ng naulila is kakilala rin [nila]. Kaya hindi tayo nahirapan na ipa-identify kung sino 'yung nandoon sa CCTV at kung sino itong nahuli namin," ani Anicete.
Sinasabing nauwi sa pikunan ang paglalaro ng dalawa ng 'cara y cruz' matapos namang mag-inuman.
Giit ni Salinas, nagkaroon sila ng pagtatalo ni Soriano na lumalala pa dahil tila wala raw plano ang biktima na magbayad ng P50 na kaniyang panalo sa kanilang laro.
"Nagsusugalan lang kami, nagka-kara cruz kami. Eh 'yung sa sugalan namin, hindi nagkakaintindihan ba. 'Yun nga sa may pustahan ganu'n nangyari tapos nagkapikunan na kami," ayon kay Salinas.
"Wala na, e blangko na 'ko nun, e. Lasing na ako nu'n, e. Nakainom ako nu'n kaya ayun dire-diretso na," dagdag pa niya.
Nilinaw ni Salinas na wala siyang intensyong patayin ang biktima.
"Hindi, wala akong intensyon nu'n. Lasing ako, e. Nagkainitan na, e. Napuruhan ko siguro," sabi niya.
Humingi naman ng tawad ang suspek sa kaniyang nagawa.
Ayon sa isang saksi, hindi nila napigilan ang suspek sa takot na madamay sila sa labanan.
"Akala ko nu'ng una sapakan lang. Nagulat na lang ako 'yun pala ano [panaksak] na pala 'yung hawak ng suspek," saad ng isang residente.
Tumagal pa muna ng tatlong minuto bago naawat ng mga barangay kagawad ang suspek. Agad dinala ang biktima sa ospital namatay din, ayon sa ulat.
Ayon sa pulisya, si Salinas ay mahaharap sa kasong pagpatay. -- Jamil Santos/FRJ/KVD, GMA News
