Kinumpiska ng mga tauhan ng Manila City Hall ang ilang fire extinguisher at mga kemikal sa isang bahay sa Paco, Maynila, na inirereklamo sa ilegal na pag-refill daw nito.
Sa GMA News Unang Balita ni Tina Panganiban-Perez nitong Martes, sinabing pumunta ang mga tauhan ng Manila City Hall Health Office at Manila City Hall Action and Special Assignment (MASA) sa isang subdivision ng nasabing lugar matapos magreklamo ang isang residente na baka raw makasama sa kanilang kalusugan ang umano'y ilegal na pagre-refill ng mga extinguisher.
Hindi agad sila pinatuloy ng mga guwardiya sa loob, ngunit ipinakita ang mga balde ng tubig na posibleng ginagamit sa pagre-refill.
Tumambad sa mga awtoridad ang maraming fire extinguisher nang makarating sa bahay, ngunit maayos naman silang hinarap ng nagpakilalang si Jones Lim, public safety officer ng fire volunteer group na TxtFire.
"Hindi ako nagre-refilling commercially. I'm a volunteer. So I only refill for our volunteers. Kasi I don't have any other intention, as you would understand. Anyway, I can stop immediately," sabi ni Lim.
Paliwanag ni Lim, mga non-toxic o hindi nakalalason at water-based lamang ang mga ginagamit na kemikal.
Ngunit napansin ng mga awtoridad ang 20 balde ng mga kemikal na may sticker na BFP property not for sale.
Depensa ni Lim, "This one is for testing purpose lang. Galing sa supplier for testing sa BFP [Bureau of Fire Protection]."
"I will comply, that's one. Technically, it's possible I will tell all our members na hindi na available ang services ko," saad pa niya.
Paglilinaw ng Manila City Hall, nagkaroon ng ilang paglabag si Lim.
"Basically, the violation, number 1, this zone is residential. No other activity can be legal except for residential purpose. Since ito ay industrial and refilling ng fire extinguisher, definitely may mga chemicals involved," ayon kay Romeo Halcon, Manila District 5 sanitation officer. —Jamil Santos/KG, GMA News
