Pinag-aaralan na ng lokal na pamahalaan ang paglagay sa state of calamity ng Zamboanga City bunsod ng mga pinsalang dulot ng masamang panahon.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing nagpasa na ng resolusyon ang sangguniang panlungsod upang matalakay ang sitwasyon ng siyudad na lubhang naapektuhan ng bagyong Paolo.

Iminumungkahi sa resolusyon na isailalim sa state of calamity ang lungsod na nagtala na ang anim na namatay bunsod ng mga malalakas na ulan at pagbaha.

Ayon sa datos ng City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), umabot na sa anim ang napaulat na namatay, kabilang ang mag-asawang nabagsakan ng puno.

Napaulat na isang mag-asawa ang namatay nang mabagsakan ang kanilang bahay ng malaking puno ng balete sa Barangay Sinunuc.

Nasugatan sa insidente and dalawang anak ng mag-asawa at dalawa pa nilang kapitbahay.

Inilikas naman ang may 100 pamilya sa Yvanoff Drive sa Barangay Tumaga dahil sa pagbabaha na umaabot hanggang tuhod and lalim ng tubig. —LBG, GMA News