Nagtamo ng mga galos ang mukha at halos wala nang malay nang matagpuan ng kanyang kapatid ang isang 12-anyos na lalaki matapos umano siyang sakalin at pukpukin ng kapitbahay nilang pulis sa Pasay City nitong Miyerkules.

Sa ulat sa GMA News "Unang Balita" ni Vonne Aquino nitong Huwebes , makikitang namamaga pa at sugatan ang mukha ni "Mark" (hindi niya tunay na pangalan) dahil sa panggugulpi umano ni Police Officer 3 Ferdinand Dator sa Maricaban, Pasay City.

Sa paunang imbestigasyon, dumaan umano si Mark sa lugar kung saan nakikipag-inuman ang pulis, at bigla na lang daw sinaktan ang biktima.

"Bigla niya akong binusal, sinakal. Binuhusan niya ako tatlong beses. Tapos itinulak niya ako sa pader. Sinakal niya akong ganun. Nilublob yung mukha ko, sabay pagtulak sa 'kin du'n ulit sa ano, du'n na pinukpok 'yung mukha ko."

Nakawala si Mark sa panggugulpi ng pulis nang kagatin niya ito sa tiyan. Matapos nito, dumating ang mga nakakatandang kapatid ng biktima.

"Hahawakan niya yung bote na kalahati. 'Teka lang sir, huwag, huwag yan sir. Bote yan, nakakamatay yan.' Eh tinapon niya," ayon sa isang kapatid ni Mark.

"Nu'ng inangat ko yung mukha niya, parang wala na po siyang malay nu'ng nakita ko siya, binuhat ko po siya, tapos tumawag po ako ng side car," sinabi pa ng isang kapatid ni Mark.

Dinala ng mga tanod si Mark sa ospital.

Wala na si PO3 Dator nang puntahan ng mga awtoridad sa kanyang bahay.

Reklamo ng ina ni Mark, dati na raw hinampas ni PO3 Dator ang kanyang anak ng tsinelas sa ulo. Bukod pa rito, hindi lang daw anak niya ang sinaktan ng pulis.

"Hindi lang po anak ko ang nasasaktan niya. Marami na, wala lang magulang na nagrereklamo kasi takot sa kanya."

Walang maisasagot si Mark nang tanungin kung bakit siya sinaktan ng pulis. "Hindi ko po alam," aniya. 

Ayon kay Evan Basinillo, kapitan ng Barangay 179, Zone 19, may mga residente na rin ang nagreklamo sa barangay sa pananakit ng pulis.

"Walang formal complaint. Pero yung reklamo nila sa 'kin, 'Kap binatukan ako, ganito.' Sabi ko, 'Magreklamo kayo sa 'kin, ipatatawag natin si sir Dator.'"

Balak na magsampa ng reklamong child abuse ang pamilya ni Mark sa Women and Children's Protection Desk. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News