Binatikos ng ilang kongresitang nasa oposisyon si Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Martin Andanar dahil sa bastos umano niyang pahayag laban sa European organizations na kritikal sa administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa pahayag nitong Miyerkoles, sinabi ni Magdalo party-list Representative Gary Alejano na "utterly rude and unprofessional" ang binitawang salita ni Andanar laban sa kritiko ng pangulo.

"Nakalulungkot at nakakahiya na ganito ang asal ng isang opisyal ng gobyerno," anang mambabatas.

READ: European orgs critical of Duterte ‘kulang lang sa iyot’ —Andanar

Sa isang video na makikita sa kontra-Duterte blog na Pinoy Ako,  binabatikos ni Andanar ang mga kritiko ng gobyerno.

“Iyong mga maiingay na pala-iyot, iyong mga maiingay, alam mo, ang problema sa kanila, hanggang ingay lang. Wala namang napatunayan. Kung tatanungin mo iyong kanilang mga Prime Minister, Presidente, iyon talagang namamahala sa kanilang bansa, pati sila sumusuporta kay Presidente Duterte,” saad ng kalihim sa video.

“Iyong mga nasa baba na pala-iyot, sila lang ang maingay kasi kulang sila sa iyot. Kung merong mga bata dito, huwag niyo na lang i-interpret iyon,” dagdag niya.

Sa "iyot" ay salitang Bisaya na ang kahulugan ay pagtatalik.

Sa text message, kinumpirma ni Andanar sa GMA News Online, na siya ang nasa video at ang European organizations ang kaniyang pinatutungkulan.

Ayon kay Alejano, dapat pinapairal ang diplomasya sa pakikipag-unayan sa ibang bansa.  Bagaman isinusulong ng administrasyong Duterte ang "independent foreign policy," sinabi ng kongresista na hindi dapat ibukod ang bansa sa "crass statement, ill behavior, and undiplomatic actions."

"Political will does not have to be rude and offensive. Political will can be shown through concrete actions," paliwanag ng mambabatas.

Idinagdag pa ni Alejano na kilala ang mga Filipino sa pagiging magalang at may magandang kalooban pero tila kaibahan umano ang ipinakikita ang ilang opisyal ng pamahalaan.

"In fact, the President is the perfect example of this. Now, his Cabinet officials and allies are taking him as a model and are following suit," ani Alejano.

"Tila ang nakasanayan na ngayon ay kapag mas bastos, mas matapang umano, mas kahanga-hanga umano, mas posibleng ma-appoint at ma-promote sa puwesto," patuloy niya.

Tinawag naman ni Akbayan party-list Representative Tom Villarin, na "highly unbecoming" ang pahayag ni Andanar.

"I don’t think Filipinos deserve to be represented in such debauchery and perversity. It’s what we call now as Andanarspeak—nagpapaandar ala Dutertespeak," ayon kay Villarin.

Dapat umanong mag-sorry si Andanar at ayusin ang kaniyang mga pananalita.

Pinayuhan naman ni Ifugao Representative Teddy Baguilat Jr. si Andanar na ituon na lang ang atensyon sa mga kapalpakan ng Philippine News Agency, at mga "misleading  informational material" na nanggagaling sa Communications Office, at itigil ang pagpapakalat ng "fake news."

"Doon na lang siya mag-concentrate kaysa magkalat sa ibang bansa ng kabastusan," ayon sa mambabatas. — FRJ, GMA News