Nagmumulto umano ang isang lalaki na natagpuan ang bangkay noong mga nakaraang taon na may nakasulat sa tabi nito na "bakla killer."
Natagpuan ang bangkay ni bakla killer sa isang bakanteng lote sa Greater Lagro sa Quezon City.
Dahil hindi pa umano nalulutas ang kaso sa pagkamatay ng lalaki, sinasabi ng mga residente na nagmumulto ngayon ang kaluluwa ng bangkay sa lugar.
Sa ulat ni Susan Enriquez sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing isa lamang ang kaso ni bakla killer sa kabi-kabilang mga krimen na nangyayari sa Greater Lagro.
Ayon kay Mang Tani Malvar Jr, photographer ng news publication ng barangay, mula pa noong 2010, marami na siyang na-document ng mga bangkay na itinatapon sa mga bakanteng lote.
"Since pumasok ako ng 2010, ilan po sa mga insidente ang nakunan ko," pahayag ni Mang Tani.
Lumalabas sa imbestigasyon na namatay si "bakla killer" sa saksak, itinali gamit ng masking tape ang kanyang mga kamay at paa, saka siya ibinalot sa itim na garbage bag.
Matapos nito'y itinapon ang bangkay sa isang bakanteng lote.
Dahil hindi pa matukoy kung sino ang mga salarin, nagpaparamdam umano ngayon ang kaluluwa nito, ayon sa mga residente.
"Du'n sa malaking puno, bigla na lamang may mapapansin kang tumawid na nakakulay puti na damit," sabi ni Margarita Monetero, isang residente.
"Pagdating namin doon sa lugar na iyon, nagtakbuhan kami. Naririnig na naman 'yun na meron nga daw nagpaparamdam doon dahil nga marami nang itinatapon na patay," sabi naman ng residenteng si Anabelle Echavez.
Pinuntahan ng isang grupo ng mga paranormal expert ang lugar kung saan itinapon ang bangkay ng bakla killer.
"Doon sa surface, sa initial na pag-check namin, 'yung sa ibabaw so far wala," ayon sa paranormal expert na si Adam Benedict Reyes.
Ngunit tumunog ang kanilang device ilang sandali pa.
"Either there is something causing 'yung pag-fluctuate, underneath merong either kuryente or wire, something metallic which is causing it to fluctuate. The other possibility, baka meron tayong bagong bangkay," ayon kay Reyes.
Indikasyon daw ang irregular na pagbabago ng electromagnetic field na posibleng may supernatural presence o kaluluwa sa lugar.
"Ang ipinagtataka lang namin is biglang nagkaroon kami ng positive reading doon sa electromagnetic field," dagdag ni Reyes. —Jamil Joseph Santos/LBG, GMA News
