Ngayong papalapit na ang Pasko, sinindihan na rin ang mga Christmas tree at lights sa iba't-ibang lugar sa bansa. Sa Makati City, tampok ang mga Christmas lights na katutubong habi at burda ang pagkakadisenyo.

Sa GMA News "Balitanghali" sinabing gawa sa Inabel at Burdado mula sa Luzon, Banig at Tikog mula sa Visayas at T'boli Ukil at Yakhan mula sa Mindanao ang mga street lights sa Ayala Avenue sa Makati City.

May temang winter holiday naman ang higanteng Christmas tree na pinailawan sa Maynila sa loob ng isang mall. Ang pagbubukas ay dinaluhan ng mga batang may cancer mula sa Philippine General Hospital.

Naghandog din ng dance performances ang mga estudyante sa Calamba, Laguna, kasabay ng pag-iilaw ng isang higanteng Christmas tree sa kanilang city hall.

Tampok naman sa isang mall ang mga higanteng parol sa Legazpi City, Albay, na gawa ng mga preso. Gawa sa sea shells ang parol mula sa Placer, Masbate jail; gawa sa plastic bottles ang parol mula sa Legazpi City Jail; at gawa sa mga dahon at bunot ng niyog ang parol mula Ligao City at Pio Duran jail.

Dinarayo naman sa Tupi, South Cotabato, ang miniature Christmas village sa isang resort. Tampok dito ang swimming pool na napapaligiran ng makukulay na ilaw. — Jamil Santos/MDM, GMA News