Patay ang 26-anyos na electrician sa Camarines Sur nang masagasaan ng 10-wheeler truck na kargado ng malalaking bato sa Barangay Cagmanaba sa bayan ng Ocampo sa lalawigan ng Camarines Sur.
Kinilala ang biktima na si Jayson Cerdan. Samantala, Kritikal naman sa ospital ang kaniyang angkas na si Argie Pablico na tumilapon mula sa kanilang motorsiklo nang mangyari ang insidente.
Sa ulat ni Michael Biando nitong Linggo sa GMA News, sinabing batay sa ulat ng mga pulis, binabaybay ng biktimang si Cerdan at Pablico ang bahagi ng Barangay Cagmanaba nang may bumulaga umanong isa pang motorsiklo na biglang tumigil sa gitna ng highway upang liliko pa-kaliwa papasok sa isang kalsada.
Hindi na umano naiwasan ni Cerdan ang motorsiklo sa harapan. Sumabit ang biktima sa nasabing motorsiklo at tumilapon sa kabilang lane ng highway.
Tamang-tama namang paglagpak niya sa kalsada, siya namang pagdaan ng 10-wheeler na minamaneho ni John Resuco.
Kuwento ni Resuco, nagulungan ang ulo ni Cerdan ng kaliwang gulong sa unahan ng minamaneho niyang truck, at sa tindi ng impact, dead on the spot ang biktima. Nasira rin umnano ang suot nitong helmet.
Agad namang sumuko ang driver ng truck sa mga awtoridad.
Ayon sa isang kaanak ng biktima, galing si Cerdan sa trabaho nito bilang isang electrician sa Legazpi City Airport sa Albay at pauwi na sa bayan ng Ocampo.
Handa naman umanong tumulong ang kumpanya ng truck sa pamilya ng biktima.
Nakalabas naman agad sa kulungan si Resuco nang hindi magsampa ng kaso ang pamilya ng biktima at pumayag sa isasagawang pag-aareglo.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumalabas na walang kasalanan si Resuco dahil ang rider ng motorsiklo ang siyang sumalpok sa truck. —LBG, GMA News
