Kahit ilang beses na umano siyang hinikayat na magbitiw, muling nanindigan si Chief Justice Maria Lourdes Sereno nitong Huwebes na hindi niya aalis sa puwesto sakabila ng kinakaharap na impeachment complaint sa Kamara de Representantes.
Sa harap ng mga kabataan sa isang forum sa University of the Philippines sa Quezon City, sinabi ni Sereno na naging tapat siya sa kaniyang tungkulin bilang mahistrado ng Korte Suprema.
“Kaya’t ang gusto kong pag-usapan ngayon ay kung bakit ako nagdesisyon bagama’t several times na po ako sinabihan, quietly and in public, na mag-resign,” ani Sereno.
“Sabi ko po lahat ng ginawa ko simula pa noong ako’y na-appoint na associate justice [in 2010] ay wala po ni isang bahid ng malisya. Lahat po ginawa ko nang tapat ang aking tungkulin. I went over and beyond the normal work load.
Isinaalang-alang ko at hiningi ko ang tulong ng Diyos at umayos naman po ang maraming reporma sa judiciary,” dagdag niya.
Nagpahayag siya ng pagkabahala sa maling mensahe umano sa kabataan kapag nagbitiw siya, kasabay ng pagbanggit niya sa naging buhay ng mga bayaning sina Andres Bonifacio at Emilio Jacinto na lumaban para sa kalayaan ng bansa sa panahon ng kanilang kabataan.
“Kung ako po ay ipinapaalis dahil lamang po sa agenda, poot, galit o anumang emotion o anumang reason na wala naman po akong ginagawa, paano na lang ang mga kabataan? Ano po ang mensaheng ipinapaaabot ng aking pagbibitiw? Ako po ba ay isang taong natatakot? Isa po ba akong taong dahil sa panggigipit ay bibigay?” sabi ng punong mahistrado.
“Kung ganun po ang aking ehemplo eh 'di nakakahiya po ako kay Ka Andres Bonifacio who at the age of 20 plus led the first Philippine revolution o yung kaniyang sidekick at brains na si Emilio Jacinto who was also 17 or 18 when he led also the triumvirate in the Katipunan. Nakakahiya ho sa kabataan kung ako ay bibigay,” sabi pa niya.
Inihayag din ni Sereno na hindi "ego" ang dahilan kung bakit ipinaglalaban niya ang kaniyang posisyon.
“I was hoping that against a tide, isang alon ng mga nakikita na nating kasamaan, people will still believe in God, in goodness, in beauty, in wisdom, in honor, in dignity, in the right. I must make a stand because this is really a fight for what is good,” ayon sa opisyal.
Idinagdag pa niya na hindi nanaisin ng mga kabataan na walang ibang makikita sa hinaharap kung hindi, “violence, coarse language, foul charges, baseless accusations, and lies upon lies.”
“People cannot keep on dreaming in an environment where there is darkness. People cannot have that kind of environment. There will only be nightmares. And my role is not to add to your nightmares. My role is to say again and again that there is hope; there is hope for our country. God is good. God is there,” patuloy niya.
Si Sereno ay nahaharap sa mga alegasyon katiwalian, labis na paggamit sa pondo ng hudikatura, falsification of court resolutions, misdeclaration of statement of assets, liabilities and net worth, at pagmanipula umano sa proseso ng Judicial and Bar Council na kaniyang pinamumunuan.
Tumanggi si Sereno na humarap sa House justice committee na dumidinig sa impeachment proceedings upang alamin kung may basehan ang mga reklamo laban sa kaniya.
Itinanggi niya ang lahat ng alegasyon laban sa kaniya.
Ipagpapatuloy ng komite ang pagdinig sa susunod na linggo.— FRJ, GMA News
