Inihayag ng dating kalihim ng Department of Health na nagpatupad ng dengue vaccination program ng nakaraang Aquino administration na isinagawa ang programa nang naayon sa pamantayan ng World Health Organization (WHO).

Ginawa ni dating DOH Secretary Janette Garin ang pahayag kasunod ng desisyon ng kasalukuyang liderato ng DOH ni Secretary Francisco Duque na ipatigil muna ang programa dahil sa anunsyo ng pharmaceutical company Sanofi na hindi ligtas ang gamot nila na ginagamit sa bakuna na "Dengvaxia" sa mga taong hindi pa nagkakaroon ng dengue.

"The school based dengue vaccination program was implemented according to the guidelines and criteria set forth by WHO," sabi ni Garin sa GMA News.

"(Implementation) was based on the recommendations of experts and was in line with WHO, based on assessing benefits vs risks," patuloy niya.

Sinabi pa ni Garin na hinihintay nila ang updates ng mga eksperto at pati na ang ibang bansa na gumamit ng naturang programa.

Nitong Huwebes, sinabi ng Sanofi na posibleng magkaroon ng hindi magandang epekto sa mga taong nabakunahan ng Dengvaxia na hindi pa nakaka-dengue pagkaraan ng 30-month period ng gamot.

Samantala, wala naman umanong masamang epekto ang gamot sa mga nabakunan na nagkaroon na ng dengue.

Sinabi ni Duque na inaasahan na mailalabas ang rekomendasyon ng WHO tungkol sa naturang usapin pagkatapos ng pulong sa ikalawang linggo ng Disyembre.

"Gayunpaman pinahinto muna natin ang pagbibigay ng dengue vaccine," sabi ni Duque. — FRJ, GMA News