Patay ang isang 15-anyos na binatilyo matapos na pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin sa kanilang bahay sa Navotas City. Ang kaniyang lolo na dumungaw lang sa bintana, pinatay din.

Sa ulat ni Victoria Tulad sa GMA News "Unang Balita," sinabi ng barangay official na ang binatilyo na kinilala sa pangalang Kenneth ang pakay ng apat na salarin na nakamaskara nang puntahan ang bahay ng mga biktima sa Barangay Tangos, Navotas City, dakong 10:00 p.m. nitong Huwebes.

"Sinabihan daw sila 'wag makialam, nu'ng nakita sa cellphone, binaril na 'yung bata. Kaya nadamay 'yung lolo dumungaw naman sa bintana," sabi ni Randy Bacolod, Barangay EX-O.

Ilang araw bago ang krimen, sinabi ng ama ni Kenneth, nadamay ang kaniyang anak sa isang riot nang maglamay ito sa tenement sa Barangay San Roque.

Pero umawat lang daw ang kaniyang anak at nakipag-areglo kinaumagahan sa mga nakaaway dahil pinagbantaan umano ng grupo ang kaniyang anak.

"'Di pa ko tapos sa inyo, babalikan ko kayo, 'yun ang sinabi niya sa mga anak ko. Kaya sabi ko nga sa kaniya, huwag sanang magsalita ng ganiyan, kasi nga, ito nga, hinahanap tayo sa munisipyo, inaayos natin. Hindi niya kami kinikibo," ayon pa sa ama ng biktima.

Hindi na raw pinalabas ng ama ang kaniyang anak ng bahay nitong Huwebes ng gabi.

"Ipapasa-Diyos ko na lang sila, Diyos na bahala gumanti sa kanila sana kung ano mang pinaggagagawa nila, pero sana kung ano man ho, makonsensya sila sa ginawa nila. Huwag din sanang bumalik din sa kanila 'yung nangyari sa mahal namin sa buhay," ayon pa sa tatay.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen at pagtukoy sa mga nasa likod ng pamamaril. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News