Apat katao, kabilang ang dalawang jail officers at isang dating pulis, ang nasawi matapos na magkabarilan sa labas ng Muntinlupa City Jail. Ang isang anggulo na tinitingnan ng mga imbestigador na dahilan ng barilan, onsehan sa droga.

Sa ulat ng GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Huwebes, sinabing nangyari ang barilan sa labas ng Muntinlupa City Jail sa Barangay Tunasan.

Kabilang sa mga nasawi sina Jail Officer 2 Jelmer Malindao at Jail Officer 1 Felino Salazar.

Base sa imbestigasyon ng Muntinlupa police, hindi bababa sa apat na suspek na nakamotorsiklo ang namaril kina Salazar at Malindao paglabas nila ng city jail.

Apat na ibang pa jail officer ang rumesponde umano at bumaril sa mga suspek na kaagad na isinasawi ng isa, habang sa ospital naman binawian ng buhay ang isa pa.

Nakilala ang nasawing suspek sa ospital na si Arnel Rubio,  dati umanong pulis na natanggal sa serbisyo noong 2016 dahil sa kasong grave misconduct.

Sangkot din umano si Rubio sa kasong robbery extortion.

Samantala, sinabi ng Muntinlupa police na nasa drug watchlist ng National Capital Region Police Office ang jail officer na si Salazar.

Malinis naman daw ang record ni Malindao.

Dinakip naman ng Muntinlupa police ang tauhan ng Bureau of Corrections na si Police Guard 1 Dee Jay Tanael, na kasama umano ng grupong namaril kina Malindao at Salazar.

Hindi pa siya nagbibigay ng pahayag.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa naturang insidente. -- FRJ, GMA News