Isang 15-anyos na babae ang nananatiling walang malay sa ospital matapos na mabundol ng van at takbuhan sa Maynila. Ang biktima, tumakbo umano para iwasan ang mga tanod na nakakita sa kanila ng kaniyang pinsan na umiihi sa hindi tamang lugar.

Sa ulat ni Jam Sisante sa GMA News "Unang Balita" nitong Lunes, sinabing wala pa ring malay at nakaratay sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center si Diana Marie Genese, na nagtamo ng sugat sa ulo na kinailangang tahiin.

Nangyari umano ang insidente sa A. Bonifacio St. sa Maynila habang papauwi na ang biktima kasama ang pinsan mula sa dinaluhang borthday party.

Ayon sa pinsan ni Genese na si Maricar, umihi sila sa lugar nang makita at pagsabihan sila ng mga tanod ng Barangay Paang Bundok.

"Sabi ng isang tanod sa likod ko, 'damputin n'yo na yan.' Sabi ng pinsan ko, 'takbo tayo.' Hinabol ko siya, yung  unang way walang dumaan mga sasakyan, yung pangalawang way meron na po.  Bigla akong nagulat, tumilapon na lang siya sa gilid," kuwento ni Maricar.

Dagdag ni Maricar, humarurot lang paalis ang sasakyan matapos mabundol ang kaniyang pinsan.

Itinanggi naman ng mga tanod na hinabol nila ang magpinsan. Bigla na lang umanong tumakbo ang dalawa nang mapansin na nakita nila itong umiihi sa tabi ng kalsada.

Nakikiusap naman ang ina ng biktima sa nakabundol sa kaniyang anak na sumuko na at panagutan ang nangyari.

Iniimbestigahan na ng Quezon City Police Traffic Sector ang insidente. -- FRJ, GMA News