Tuloy pa rin ang pagdating ng mga trak na may lamang basura sa isang dumpsite sa bayan ng Tanza, Cavite, kahit may karatula nang nagsasabing "closed" na ang lugar para sa rehabilitasyon. Ang mga residente, matagal na umanong inirereklamo ang dumpsite dahil sa nakakasulasok na amoy na nanggagaling dito.
Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "News To Go" nitong Martes, sinabi ng ilang residente na napeperwisyo sila sa tuwing may nagsusunog ng basura ang naturang dumpsite.
"Matutulog ka, magsasara ka. 'Pag nagsusunog hindi ka talaga makapagbukas ng bahay, hindi ka makapagbukas ng bintana," sabi ni Dolores Federico, isang residente.
"'Yung bahay namin nakapuwesto siya sa pinakamalapit du'n sa basurahan. Kaya siguardo kaming 'yung materials na galing sa basurahan nalalanghap ng mga bata at nakakarating sa mga balat namin," sabi naman ni Ella Gutay, isa pang residente.
Maraming beses na umanong nagreklamo ang mga residente sa lokal na pamahalaan ang naturang tambakan ng basura.
Nakunan ng GMA News ang tangkang pagtapon ng isang trak ng basura sa naturang dumpsite ngunit umatras ito nang makaharap ang camera.
"Nakitang may media dito, tapos para atang may sumipol, bumuwelta palabas," sabi ni Darwin Silva, presidente ng Wellington Residences Homeowners Association.
Base sa Republic Act 9003 noong 2000, ipinagbawal na ang mga open dumpsite na tulad ng sa Tanza dahil bukod sa masama sa kalusugan, nakasisira pa ng kalikasan.
Maaari lamang magtapon sa mga sanitary landfill na pinipitpit at ibinabaon sa lupa ang basurang hindi na mapakikinabangan. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagsusunog ng basura.
Ayon sa Tanza Municipal Environmental Office (MENRO), mayroon nang safe closure at rehabilitation plan para sa dumpsite, at nagpapatayo na ng material recovery facility at sanitary landfill para magkaroon nang maayos na pagtatapunan ng mga basura.
"Kumbaga, closed siya, kaya lang talagang 'yung basura namin na kinukuha, diyan dinadala para ilipat at idadala sa sanitary landfill," ayon kay Menandro Dimaranan, MENRO, Tanza, Cavite.
Ang mga nangangalakal ng basura umano ang pasimuno ng pagsusunog ng mga basura sa dumpsite.
Ayon pa sa R.A. 9003, kailangan magkaroon ng 10-year solid waste management plans ang bawat isang LGU, at dapat may Materials Recovery Facility (MRF) ang bawat barangay para mabawi pa ang mga papel, plastic at mga bote. Dapat namang dalhin sa sanitary landfill ang bawat basurang wala nang pakinabang.
Ngunit base sa datos ng Solid Waste Management Commission, 89% ng mga siyudad at munisipalidad at 68% ng mga probinsiya pa lang ang may solid waste management plan. Tatlo naman sa bawat 10 barangay pa lamang ang may MRF at 17% pa lang ng mga LGU ang may access sa sanitary landfill.
"Marami pa ring hindi tumutupad. Wala silang pakialam na maka-pollute o makasira ng kalikasan. 'Yung iba naman walang political will talaga. Hindi lang nila ginagawang priority ang solid waste management," sabi ni Dir. Eligio Ildefonso, National Solid Waste Management Commission.
"After 18 years ng batas pero wala pa ring napaparusahan. kaya ang mga LGUs laging natatakot," sabi ni Ochie Tolentino ng Ecowaste Coalition. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
