Nakatakas ang isang 10-anyos na babaeng estudyante mula sa mga lalaking dumukot at nagsakay sa kaniya sa van sa Mandaluyong City nang saksakin niya ng ballpen ang isa sa mga salarin. Ang bata, nakatakbo sa kaniyang paaralan at doon nakapagsumbong.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing naglalakad noon papasok sa eskuwelahan ang Grade 4 student na itinago sa pangalang "Mia", pasado 12 ng tanghali nitong Lunes.
Nangyari ang insidente sa kalye ng Molave, sakop ng Barangay Addition Hills, nang bigla umanong humarang ang kulay asul na passenger van sa dadaanan ng bata.
"May lumabas po na tatlong lalaki, tapos sabi nu'ng unang lumabas, dakpin daw ako. Natakot po ako kasi wala na kong madaanan eh, sigaw po ako nang sigaw. Humihingi po ako ng tulong. Wala pong nakakarinig sa akin," kuwento ni Mia.
Sa tulong ng CCTV, nakita ang hitsura ng van na ginamit sa krimen.
"Naharang siya dito, hindi na kasi hagip ng CCTV namin. Ang diretso kasi niyan, du'n banda na sa court, doon sinakay ang bata," sabi ni Barangay Chairman Kent Faminial ng Brgy. Addition Hills.
Ayon kay Mia, piniringan at nilgyan umano siya ng telang may nakakahilong amoy matapos siyang ipasok sa van ng mga lalaking nakamaskara at hooded shirts.
"Nararamdaman ko po parang paikot-ikot lang po kami. May tumawag sa driver, sabi po ibaba raw muna, kasama po ako," ayon kay Mia.
Makalipas ang ilang minuto, tumigil daw ang sasakyan at inalis ang piring sa kaniyang mga mata. Pinababa ang mga sakay at naiwan ang driver na nagsabing may kakausapin lang siya sa cellphone.
Dito na nakakuha ng tiyempo si Mia.
"Kinuha ko po 'yung ballpen na nasa bulsa ko. Natatakot po ako kasi po makapatay ako ng tao kaya hinayaan ko po na nakasara [ang ballpen], sinaksak ko siya sa tagiliran niya po, tumakbo na po ako," kuwento ng bata.
Tinangka pa siyang habulin ng dalawang salarin pero hindi na siya inabutan. Nagawang dumiretso ni Mia sa paaralan at doon nakapagsumbong.
"Milyon na pasasalamat po sa Panginoon na nakauwi siya, nakaligtas siya, unexpected na mangyayari po talaga kumbaga. 'Yung mga nakikita ko sa Facebook, wala 'yung ganu'n, hindi ako naniniwala pero ito po, napruweba na po na itong anako ko mismo is victim," ayon sa ina ng bata.
Nagsasagawa na ng follow-up operation ang Mandaluyong police tungkol sa insidente.
"Na-detect na po kung nasaan ang sasakyan, labas po ito sa Mandaluyong. Sabi sa akin ng aming hepe, huwag na munang ilabas 'yung plaka," sabi pa ni Faminial.
"Natakot pa rin po ako, kasi baka paglabas po namin sa school namin baka sunduin pa po nila ako," ayon pa kay Mia.
"Talagang kailangan ipa-blotter, para malaman po ng lahat na hindi ito laro-laro," sabi pa ng ina ni Mia.
Noong nakaraang buwan, isang 13-anyos na babae ang masuwerteng nakatakas mula sa mga dumukot at nagsakay sa kaniya sa isang van sa Biñan, Laguna.
BASAHIN: Dalagitang nakatakas sa mga kidnaper, may nakita raw na batang pugot ang ulo sa loob ng van
Nawawalang bata mula sa Addition Hills
Samantala, patuloy naman ang paghahanap kay Arianne Raging, 13-anyos na taga-Addition Hills din na iniulat na nawawala noong Enero at pinangangambahang dinukot din.
"Wala kaming alam na may boyfriend, kasi paggaling sa school punta siya rito, tutulong sa akin," ayon sa lola nitong si Anita Eliseo.
Nanghihingi ng tulong ang pamilya ni Arianne sa sinumang makakapagbigay ng impormasyon sa dalagita.
"Gabayan po nila 'yung mga anak papasok, pauwi ng school kasi hindi natin alam kung kailan darating o mambibiktima ang umiikot na van," paalala naman ni Faminial. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
