Sugatan ang isang barangay executive officer, habang nasawi naman ang kaniyang driver nang paulanan ng bala ng hindi pa nakikilalang mga salarin ang kanilang sasakyan sa Maynila. Isang tricycle driver din ang nadamay at nasugatan sa naturang insidente.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, kinilala ang nasugatang biktima na si Harold Padilla, Barangay Ex-O sa Malabon.

Nangyari ang insidente sa panulukan ng New Antipolo St. at Solis St. nitong Biyernes, at nahagip ng CCTV camera ang pag-aabang ang apat na lalaki.

Ilang minuto pa ang nakalipas, naglabas na ng kanilang mga baril ang mga lalaki at pinaputukan ang dumadaang sasakyan ni Padilla.

Nang bumangga ang sasakyan sa poste, lalapit pa sana ang mga salarin pero napaatras sila nang lumabas si Padilla at gumanti ng putok.

Kahit may tinamong tama ng bala sa ibabang bahagi ng katawan, nakatakas si Padilla kasama ang kaniyang asawa na hindi nasaktan.

Pero hindi pinalad ang driver ni Padilla na si Lemuel Tan, na binawian ng buhay habang isinusugod sa ospital.

Sugatan din ang nadamay na tricycle driver na si Christoper Relloque na kasalukuyan nagpapagaling sa ospital.

Wala pang linaw sa motibo ng krimen pero politika ang tinitingnan anggulo ng mga awtoridad.

"Dahil nga papalapit na ang eleksiyon isa 'yan sa tintingnan natin but we cannot confirm that yet, then isa rin du'n sa negosyo at saka away-pamilya," sabi ni Police Supt. Jerry Corpuz, Station 7 commander.

Isa pang insidente ng pamamaril

Habang abala ang mga pulis sa crime scene sa nangyaring pananambang kay Padilla, isa pang insidente ng pamamaril ang naganap sa Juan Luna St. na kaagad na nirespondehan ng mga awtoridad.

Pero hindi na nila inabutan ang mga salarin kung saan dalawang trabahador sa isang talyer ang pinagbabaril.

Ayon sa mga saksi, sakay ng motorsiklo ang mga namaril sa mga biktima.

"Tatlong putok po 'yung narinig namin dito sa loob ng shop eh. 'Pag punta namin du'n, duguan na po 'yung dalawang gumagawa du'n," sabi ng saksi.

Nakikilala ang mga biktima sa pangalang "Kalbo" at "Joy," na isinugod sa ospital dahil sa tinamong tama ng bala.

"Nagtatrabaho 'yung dalawa ritong victims. Nu'ng pagdating 'yung gunman, pinagbabaril sila so ngayon tinakbo sila sa hospital," ayon kay Senior Police Insp. Ferdinand Sarmiento, Deputy Station 7 Commander. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News