Nabawasan ang kompiyansa ng mga negosyante sa unang tatlong buwan ng 2018 batay sa resulta ng Bangko Sentral ng Pilipinas Business Expectations Survey. Ang isa sa mga pinaniniwalaang dahilan, ang epekto ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (Train).
Batay sa survey, lumitaw na 39.5 percent ang confidence index (CI) sa unang tatlong buwan, na mas mababa sa naitalang 43.3 percent sa huling tatlong buwan ng 2017, ayon kay Rosabel Guerrero, BSP director for Economic Statistics.
“Concerns cited by firms over the transitory impact on consumer prices with the implementation of the Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) law on consumer prices also contributed to the lower outlook,” sabi ni Guerrero sa isinagawang briefing nitong Biyernes.
Sa kabila ng naturang pagbaba, nananatiling positibo pa rin naman ang marka ng confidence index, ayon sa BSP.
“Business outlook on the economy for first quarter 2018 turned less optimistic while remaining positive,” saad ni Guerrero. “This indicates that the number of optimists declined but continued to be greater than the number of pessimist during the quarter.”.
Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA news "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing kasama sa mga dahilan ng pagkabahala ng ilang negosyante ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin tulad ng mga produktong petrolyo na napatawan ng dagdag ng excise tax sa ilalim ng Train law.
Ilang negosyante rin umano ang naniniwala na tataas pa ang inflation rate pati na ang interes sa mga pautang, bukod pa sa paghina ng piso kontra dolyar.
Sabi naman ng BSP, karaniwan na tumatamlay ang negosyo sa panahon pagkatapos ng holiday season. Inaasahan naman na pansamantala lang ang epekto ng Train law sa inflation rate.
Tiniyak din ng BSP na nananatiling maganda ang takbo ng ekonomiya ng bansa. -- FRJ, GMA News
