Walong tao ang inaresto ng mga awtoridad bago maghatinggabi ng Lunes matapos silang mahuling nagsusugal sa Quiapo, Maynila.
Ayon sa ulat sa Unang Balita ni Bam Alegre nitong Martes, ang walong suspek—tatlong lalaki at limang babae—ay naaresto sa kanto ng Oscariz at C. Palanca Streets.
Isang concerned citizen ang nagsumbong sa pulis tungkol sa pagsusugal ng grupo.
Hindi na nanlaban ang mga suspek nang sila ay madatnan ng mga pulis.
Nang kapkapan sila, nakuha ang 14 na sachet ng hinihinalang shabu, baraha, at mga barya na gamit sa sugal na cara y cruz.
Kinilala ang mga naarestong sina Jaspher Mateo, Miguel Rivas, at Rose Ann Angeles na mga miyembro ng Batang City Jail.
Kabilang sa mga naaresto ay sina Ronalyn Angeles, Ian de Castro, Cyndy Celestino, at Olive Gasang.
Halos lahat ay hindi itinanggi ang mga paratang laban sa kanila, maliban kay Raquel Roxas na sinabing napadaan lang siya.
Pinoproseso na ng mga pulis ang mga kaso laban sa kanila. —KG, GMA News
