Hinihinalang sadyang nilason ang 10 aso na namatay sa pagkain ng hotdog na tila ibinabad sa kemikal kaya nagkulay asul sa Rizal.  Kabilang sa mga nasawi ang isang aso na bagong panganak lang kaya mano-mano ngayong pinapadede ang tatlong tuta na naulila.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA news "24 Oras", ipinakita ang kuha ng video sa isang aso na takbo nang takbo at bumubula ang bibig bago namatay sa Barangay Malanday sa San Mateo, Rizal nitong Martes ng umaga.

Kabilang ang naturang aso sa may 10 alagang aso sa Upper Patiis sa nabanggit na barangay na namatay mula noong Linggo hanggang nitong Martes ng umaga.

Hinihinala ng mga may-ari ng mga aso na sadyang nilason ang mga hayop sa pamamagitan ng nakitang hotdog na kulay asul.

"Mahal na mahal ho namin talaga 'yun kaya lang halos hindi ako makakain siyempre alaga ko eh," hinanakit ni Beverly Capellan, na namatayan ng dalawa aso.
 
Si Elena Saño, mano-mano ngayon na nagpapadede sa tatlong tuta na iniwan ng kaniyang alaga na kabilang din sa hinihinalang nalason.

"Tiyagaan lang ho sa pagpapadede. Kapag nagkamata na ho [ang tuta] tsaka doon na kumakain ng kanin," saad niya.

Mayroon din umanong mga aso na nakaligtas matapos na pakainin ng asukal.

Ayon kay Capellan, nakuha niya sa isa niyang alagang aso ang kulay asul na hotdog na isinuka ng hayop. May nakuha pa umano siyang hotdog sa ibang lugar.

Sinabi sa ulat na ngayon nangyari ang sunod-sunod na pagkamatay ng mga alagang aso sa lugar at hinihinala ng mga residente na ang mga magnanakaw ang may pakana ng paglason sa mga aso.

"Siguro para madali silang magnakaw, walang tatahol sa kanila," ayon kay Girlie Domiquil.

Maliban sa mga motorsiklo na nasa labas ng mga bahay na maaring puntiryahan ng mga kawatan, ang mga manaok na panabong daw na karaniwang kinukuha ng mga kawatan.

Ipinasuri naman ang nakuhang asul na hotdog para ipasuri sa animal welfare para malaman kung ito ang nakapatay sa mga aso.-- FRJ, GMA News