Narekober na ng may-ari ang kaniyang sasakyan na inagaw mula sa kaniyang Uber driver walong buwan na ang nakalilipas.

Kuwento noon ng Uber driver ng isang pulang Toyota Innova, may sumakay sa kaniya na tatlong lalaki at nagpapahatid sa Antipolo City.

Nungit pagdating sa isang lugar nagdeklara ng carnap ang mga suspek. Tinalian umano ang driver, piniringan at ihinulog sa isang bangin. Agad na itinakas ng mga suspek ang sasakyan.

Noong Martes, natiyempuhan ng may-ari ang kaniyang Innova sa may Tomas Morato Avenue sa Quezon City. Nawala na umano ang plaka nito.

"Sinundan ko siya, hinabol. Nagbase lang ako sa conduction sticker. Positibo ako, akin yun," pahayag ng may-ari sa panayam ni Mav Gonzales ng GMA News.

"Sinundan ko siya papuntang Cuabao at tila natunugan niya ako," dagdag ng may-ari.

Habang sinusundan ang kaniyang sasakyan, tumawag na siya sa Rescue 911 at humingi ng police assistance.

Pagdating sa Aurora Boulevard, doon na na-corner ang sasakyan sabay ng pagdating ng mga pulis.

Naaresto ang dalawang sakay ng Innova na pawang mga estudyante.

Kuwento ng isa sa kanila, kabibigay pa lamang umano ng sasakyan mula sa isang taong may utang sa kaniya na P280,000 ng dahil sa sugal. At hangga't hindi umano nababayaran ang utang, hindi niya ibabalik ang sasakyan.

Hindi pa inihayag ng mga pulis ang pagkakalilanlan ng mga suspek hangga't patuloy pa ang imbestigasyon sa kaso.

Inaalam din ng mga awtoridad kung kasabwat ang mga estudyante ng tatlong mga lalaking umagaw noong 2017 sa sasakyan mula sa Uber driver na kinilala lamang sa pangalang "Angelo."

Nakatakda ngyong Miyerkoles ang inquest proceedings ng dalawang estudyante. —LBG, GMA News