Sa botong 8-6, pinatalsik ng mga kapwa niya mahistrado sa Korte Suprema sa puwesto bilang Chief Justice si Maria Lourdes Sereno nitong Biyernes kaugnay ng quo warranto petition na inihain ni Solicitor General Jose Calida.
"Wherefore, the petition for quo warranto is granted. Respondent Maria Lourdes P.A. Sereno is hereby adjudged guilty of unlawfully holding and exercising the Office of the Chief Justice. Accordingly, respondent Maria Lourdes P.A. Sereno is ousted and excluded therefrom," saad sa desisyon na binasa ni SC spokesperson Theodore Te.
Sabi pa ni Te, na "immediately executory" ang desisyon at inatasan ang Judicial and Bar Council na simulan na ang proseso ng paghahanap ng papalit sa mababakanteng puwesto ni Sereno.
Inalis si Sereno batay sa petisyon ni Calida na walang bisa ang pagkakatalaga sa dating punong mahistrado noong 2012. Bunga umano ito ng hindi pagsusumite ni Sereno ng mga kaukulang dokumento nang mag-apply siya sa naturang puwesto, partikular ang kaniyang statement of assets, liabilities and networth.
Itinanggi naman ni Sereno ang naturang paratang.
Ang mga mahistrado na bumoto pabor sa quo warranto petition ay sina:
Teresita Leonardo-De Castro
Diosdado Peralta
Lucas Bersamin
Francis Jardeleza
Samuel Martires
Noel Tijam
Andres Reyes Jr
Alexander Gesmundo
Ang mga tumutol naman na alisin si Sereno ay sina:
Antonio Carpio
Presbitero Velasco
Perlas Bernabe
Mariano Del Castillo
Marvic Leonen
Benjamin Caguioa
Apat sa walong bumotong mahistrado na pumabor na alisin sa puwesto si Sereno ay mga itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte; tatlo ay mula sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, na kaalyado ni Duterte; at isa ang itinalaga ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Si Aquino ang naghirang kay Sereno bilang punong mahistrado noong 2012, nang mapatalsik ang dating pinuno ng SC na si Renato Corona.
Samantala, tatlo naman sa bumoto na tutol sa quo warranto petition ay mga Arroyo appointee, at ang tatlo pang iba ay Aquino appointees.
Pinagbotohan din kung tamang paraan ba ang quo warranto para mapatalsik si Sereno; siyam ang pumanig (Velasco, De Castro, Peralta, Bersamin, Jardeleza, Martires, Tijam, Reyes, at Gesmundo), at ang natirang mga mahistrado ay tumutol.
Sa usapin kung nilabag pa ni Sereno ang Saligang Batas nang hindi siya maghain ng SALNs, siyam din ang pumanig (Carpio, De Castro, Peralta, Bersamin, Jardeleza, Martires, Tijam, Reyes, at Gesmundo), habang ang iba ay hindi na nagbigay ng kanilang pananaw.
Sinabi naman ni Josa Deinla, tagapagsalita ni Sereno, na hindi na sila nagulat sa kinalabasan ng botohan.
"Hindi rin namin ikinagulat iyong lumabas na boto sa en banc kasi matagal na namin nababalitaan, umuugong iyong mga numero na yari na raw ang decision ng ating mahistrado," sabi ni sa panayam ng "News To Go."
Gayunman, sinabi ni Deinla na "very close" ang boto.
"Indikasyon ito na sana kung nag-inhibit ang mga mahistradong nagpakita ng bias, sana na-ensure na impartial at objective at mananaig ang tama," dagdag niya.
Masusi umanong pinag-aaralan ng mga abogado ni Sereno ang maghain ng motion for reconsideration dahil sa masyadong dikit ang boto.
"We know for a fact that a few times the SC has changed its mind in high-profile cases. Umaasa tayo na magababago pa ng isip ang ating mga mahistrado," sabi ng tagapagsalita.--FRJ, GMA News
