Naniniwala si dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno na may kinalaman si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagkakaalis niya sa puwesto bilang lider ng Korte Suprema kaya nais niyang magbitiw na ang Punong Ehekutibo.
Ginawa ni Sereno ang pahayag nitong Huwebes, isang araw matapos sabihin ni Duterte na magbibitiw siya bilang pangulo kapag may nagpatunay na may partisipasyon siya sa pagkakaalis ni Sereno bilang Punong Mahistrado.
"Kahapon sinasabi niyang—hindi totoo—na magre-resign daw siya. Pang-ilang beses na po nating narinig na magre-resign siya?" sabi ni Sereno sa isang forum na inorganisa ng Integrated Bar of the Philippines at anti-extrajudicial killings group na Manlaban sa EJK sa Pasig City.
"Galing sa kaniyang bibig ang pag-amin na siya ang pasimula at magpupursigi sa pagtanggal sa akin. Puwes, ginoong Pangulo, mag-resign ka na," dagdag ni Seneno na umani ng palakpak sa mga tao.
Binanggit pa ni Sereno ang pahayag noon ni Duterte na itinuturing siyang kaaway nang maitanong kung bakit si Solicitor General Jose Calida, ang chief lawyer ng gobyerno, ang naghain ng quo warranto petition na humihiling na alisin siya bilang Punong Mahistrado.
Idinagdag pa ni Sereno na minsan na rin inatasan ni Duterte ang Kongreso na bilisan ang pagproseso ng impeachment proceedings laban sa kaniya.
Noong nakaraang linggo, nagbotohan ang mga mahistrado at kinatigan ang quo warranto petition ni Calida sa botong 8-6 kaya natanggal si Sereno sa puwesto.
Una rito, sinabi ni Sereno na madaling matitigil ang paghahain ng petitisyon ni Calida laban sa kaniya kung talagang nais ni Duterte.
"If he does not want it, it could have ended, but it did not end. Clear as day," sabi ni Sereno.
Iginiit naman ni Duterte "I never lifted a finger" sa pagkakaalis sa puwesto ni Sereno. — FRJ, GMA News
