Para sa P7,000 na kita ng isang burger stand, sinaksak ng holdupper ang kahera ng naturing tindahan sa Catalunan Pequeño, Davao City.
Ayon sa ulat nitong Martes sa Unang Balita, pinasok ng holdupper ang burger stand ng madaling araw ng Sabado at nagdeklara ng holdup matapos saksakin ang kaherang si Michelle Tabog, 33.
Tinangay ng suspek na kinilalang si March Palermo ang P7,000 na kita ng stand bago tumakas.
Pinalad na maaresto ang lookout nito na si Celedonio Caballero Jr. alyas Balong, na umamin sa pagiging lookout, ngunit hindi pinalad ang pulis na makuha mismo ang suspek.
Sabi ni Talomo Police Chief Inspector Ronald Lao, magsasampa ng kaso ang pulis laban sa dalawang naturing suspek.
Nangako naman ang pamunuan ng burger stand na aakuin nila ang lahat ng gastos ng biktima, na nasa maayos nang kalagayan sa ospital. —Rie Takumi/KG, GMA News
