Naging madugo ang isinagawang mga operasyon ng Quezon City Police District (QCPD) laban sa mga umano'y drug personalities at kawatan sa mga nagdaang araw, kung saan 11 ang patay.
Ang ilang pulis, nagtamo rin ng mga tama sa kanilang katawan.
Sa ulat ni Mariz Umali sa "24 Oras," sinabing nagsagawa ng buy-bust operation sa Fairview ang mga pulis madaling araw ng Martes para i-target sina alyas "Mark" at alyas "Ryan," mga kilalang drug peddler sa lugar.
Makikita sa CCTV na nag-usap ang mga awtoridad at mga suspek ala-una ng madaling araw, hanggang sa ikutin ng isang pulis ang kaniyang sumbrero, hudyat na naibigay na niya ang droga sa mga katransaksyon.
Ngunit nahalata ito ng mga suspek.
"Bigla akong pinutukan ng suspek na si Mark, bale tinamaan ako sa dibdib kaya ako natumba," sabi ni PO1 James Patrick Castillo ng QCPD Station 5, sugatang pulis.
Mapalad na nakasuot ng bulletproof vest si Castillo kaya hindi tumagos sa kaniyang katawan ang bala.
Napatay ng mga pulis sa shootout ang dalawang target.
Isa ring hiwalay na buy-bust operation ang nauwi sa barilan at napatay ang drug suspect na si Marjun Clemente, alyas "Marlon."
Tinamaan sa kanang braso ang pulis na nakatransaksyon ng suspek.
"Tumakbo na ako, pumutok 'yung alyas Marjun. Akala ko wala akong tama, pumutok na rin ako. Suddenly nalaman ko may tama na ako dito," sabi ni PO2 Edison Guillermo ng QCPD Station 2, sugatang pulis.
Holdup naman ang naging motibo ng tatlo ring nasawing salarin sa CP Garcia Avenue, Quezon City.
Ala-una ng madaling araw noon nang pumara ang dalawang lalaki ng isang taxi sa may Commonwealth Avenue, at may dinaanan pang kasamahan sa West Avenue.
Nagdeklara ng holdup ang tatlong suspek pagdating sa New Manila, Quezon City.
"Pinababa ako, nakaganu'n pa sa akin ang baril, diretso take over din 'yung nagtutok sa akin patakbo agad," sabi ni Henry Camarines, driver.
Kinuha mula kay Camarines ang P3,000 na kaniyang kinita sa pamamasada, cellphone at bag. Tinangay din ang kaniyang taxi.
Ngunit tiyempong nagsasagawa ng Oplan Sita ang pulisya sa CP Garcia Avenue na dinaanan ng mga suspek.
Hindi huminto ang kinarnap na taxi kaya hinabol ng mga pulis.
"Nu'ng blinock na ng isang mobile natin, pinutukan 'yung mobile kaya doon nagkaroon ng exchange of fire," sabi ni P/S Supt. Crizaldo Nieves, Deputy District Director for Administration, QCPD.
Napatay ang tatlong suspek na wala pang mga pagkakakilanlan. Nakuha sa kanila ang anim na sachet ng hinihinalang shabu at iba pang gamit.
Dalawang hinihinalang drug pusher din ang patay sa Hemady St. Barangay Cristong Hari, sa loob ng kanilang bahay nitong Miyerkoles pasado alas-sais ng umaga.
"May mga indicators na may gumamit ng shabu doon kasi may mga residue tsaka mga paraphernalia," ayon kay Nieves.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang tunay nilang pagkakakilanlan.
Sa Brgy. Sto. Domingo, patay din sa buy-bust operation ang isang hinihinalang pusher matapos umanong manlaban sa mga pulis.
Kinilala ang suspek na si alyas Joel, na nabilhan umano ng P500 halaga ng shabu.
Patay naman sa shootout ang mga suspek na riding-in-tandem sa Barangay Payatas noong May 28 ng gabi.
Dala dala pa nila ang bag na ninakaw umano sa burger chain sa lugar.
Nagtamo ng sugat sa binti si PO1 Julius Reyes na kanilang nakabarilan.
Ayon sa pagtatala ng QCPD, aabot na sa mahigit 400 anti-drug operations ang kanilang naisagawa sa loob ng isang buwan. Arestado ang mahigit 900 drug personality at hindi bababa sa siyam ang nasawi.
"It is a war, as you can see, this is as real as you can get. Kahit pulis nagdudugo din," sabi ni Police Chief Supt. Joselito Esquivel - QCPD Director.
Paparangalan ng Wounded Personnel Medal ang mga sugatang pulis, at bibigyan ng meritorious promotion ang iba pang mga pulis na kasama sa operasyon. —Jamil Santos/NB, GMA News
