Nalubog sa baha ang ilang bahagi ng Quezon City dahil sa magdamag na pag-ulan, na nagdulot ng mabigat na daloy ng trpiko at paglikas ng iilang mga pamilya upang makaiwas sa baha.
Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes ng umaga, sinabing may mga lugar na malalim ang tubig-baha at kinailangan pang i-rescue ang ilang mga na-trap.
Agad na binaha ang Panay Avenue nang magsimulang bumuhos ang malakas na ulan dakong alas-diyes ng gabi, ayon sa ulat.
WATCH: Nananatiling lubog sa baha ang ilang bahagi ng Araneta Ave.–E. Rodriguez Sr. Ave. dahil sa magdamag na pag-ulan. Ilang truck, tumirik dahil sa taas ng baha habang ang ilang residente ay nagbabangka na. | via @allangatus pic.twitter.com/Ww62vhHlQL
— DZBB Super Radyo (@dzbb) June 6, 2018
May mga tumirik na sasakyan at tuluyang lumubog sa baha.
Tinangay ng tubig ang SUV na minamaheho nagnangalang Bryan Manuel, at akala umano niyang katapusan na niya. Mabuti na lang at nasaklolohan siya ng mga nagrorondang mga pulis.
Nilangoy umano nina Police Officer 1 (PO1) Dioscoro Tubila at PO2 Julius Cedazo ang baha upang sagipin si Manuel.
Sinusundan lamang umano ni Manuel ang Waze, at dahil sa dilim hindi na niya namalayan na sinusuong na pala niya ang malalim na tubig-baha na umabot umano hanggang dibdib niya habang nakaupo sa sasakyan.
Samantala, sa Panay Avenue humingi ng tulong ang ilang construction workers sa loob ng kanilang barracks na nakatayo sa gilid ng isang kanal. Agad din silang sinaklolohan ng mga pulis sa lugar.
Sabay sa paglalim ng tubig, naglutangan naman ang mga basura sa mga kalye na tinamaan ng baha. Pati mga plastic barriers nagsilutangan din, ayon sa ulat.
Ilang commuters din ang stranded dahil sa biglang pagbaha sa gitna ng sumisikip ng daloy ng trapiko.
Sa Roxas Dristrict, na isang bahaing lugar, umabot hanggang baywang ang tubig-baha, ayon sa mga residente doon.
Sa ilang bahagi Araneta Avenue, lagpas-tao umano ang lalim ng tubig-baha at napilitang magsilikas ang mga residente para sa kanilang kaligtasan. —LBG, GMA News
