Kinumpiska ng mga pulis na bantay sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame ang cellphone ni dating senador Ramon "Bong" Revilla Jr. makaraang siyang mag-selfie at i-upload sa Facebook.

Ayon kay PNP spokesperson Senior Superintendent Benigno Durana Jr., kaagad na sinuri ng Headquarters Support Service ang selda ni Revilla matapos na makita ang ini-upload niyang larawan sa Facebook kaugnay ng kaniyang ika-apat na taong pagkakakulong.

Sinabi rin ni Durana na iniimbestigahan na kung papaano nakapagpasok ng cellphone sa selda ni Revilla.

Kabilang ang cellphone sa mga bagay na ipinagbabawal na dalhin sa selda.

"An investigation is being conducted by HSS to determine the circumstances surrounding that apparent breach of regulations despite at least twice a week unannounced inspections of all the cell blocks," sabi ng opisyal.

"The ax will fall where it should the moment an investigation clearly established culpability of any personnel," dagdag pa niya.

Nakadetine si Revilla kaugnay sa kasong pandarambong na kaniyang kinakaharap sa Sandiganbayan kaugnay sa umano'y maanomalyang paggamit ng kaniyang pork barrel funds.

Dati nang pinabulaanan ni Revilla ang mga paratang laban sa kaniya.— FRJ, GMA News