Halos P200,000 ang nakuha ng mga holdaper sa isang restaurant sa Barangay 78, Caloocan City noong Linggo ng gabi.
Ayon sa ulat ni Victoria Tulad sa Unang Balita nitong Lunes, anim na lalaki na nakasakay sa tatlong motorsiklo ang mga suspek.
Naka-helmet at maskara rin ang mga suspek kaya hindi namukhaan.
Sa labas pa lang ng restaurant ay nagdeklara na ng holdap ang mga suspek at pinasok ang restaurant na may mga hawak na baril, ayon sa isang empleyado ng restaurant.
Naghiwa-hiwalay ang mga suspek sa loob ng restaurant kaya sa loob ng ilang segundo, madali nilang nakuha ang gamit ng mga customer na posibleng aabot daw ng 100 katao.
Isang biktima ang nakuhaan ng pera ng co-op nila.
"Unang dinampot 'yung bag ko... Hindi ko siya ibibigay kaya lang may baril. Pera ng co-op namin sa office 'yun. 'Yung habol ko lang naman kasi du'n 'yung pera na di sa 'kin. Okay lang kung sa 'kin 'yung nawala," aniya.
May nakuha ring mga cellphone at ID ang mga suspek.
Ayon sa kapitan ng barangay na si Jose Nicolas, may isang customer na naitago pa ang kaniyang mga gamit nang makita niya ang mga lalaking may baril.
Sa halos P200,000 na nakuha, P20,000 ang galing sa kaha ng nasabing restaurant.
Sa kuha ng CCTV ng barangay, dumaan ang mga suspek na sakay ng tatlong motorsiklo sa Lapu-Lapu Street, Caimito Road, at Dagohoy Street
Hindi naplakahan ang mga motorsiklo at wala pa ring lead sa mga suspek.
Napag-alaman din na walang security guard ang restaurant na posibleng dahilan kung bakit ito tinarget.
Pinag-iingat ng mga awtoridad ang publiko dahil isa pang restaurant sa Caloocan ang naholdap din noong nakaraang linggo.
Sa panayam sa Unang Balita nitong Lunes, sinabi ni Philippine National Police chief Director General Oscar Albayalde na paiigtingin pa nila ang kanilang Oplan Sita para maiwasan ang mga holdapan sa mga kainan.
"Ang talagang prevention po diyan 'yung presence po ng ating mga kapulisan lalung lalo na pag 'yung ganyan pong mga establisimyento," aniya. —Maia Tria/KG, GMA News
