Duguan at wala nang buhay nang datnan ng mga kaanak ang isang lalaki sa kaniyang bahay sa Commonwealth Avenue, Quezon City matapos na mahigit 15 beses na pagsasaksakin umano ng isa pang lalaki noong Sabado. Ang suspek, umaming nagawa ang pagpatay nang dahil sa selos sa babae.
Sa ulat ni Cesar Apolinario sa "24 Oras" nitong Miyerkoles, sinabing nagtamo ang biktima na si Ramil Alcala ng mga saksak sa dibdib, leeg at ibang parte ng katawan noong madaling araw, at nakita sa crime scene ang isang mahabang kitchen knife.
Itinurong salarin si Efren Rejuso na umano'y nakaalitan ni Alcala.
"Selos. Oo, si suspek parang may girlfriend dati na naging karelasyon naman ni victim," sabi ni Police Supt. Joel Villanueva, Station Commander, QCPD Station 6.
Ang dating live-in partner ni Jaruso na mismo ang nakipag-ugnayan sa pulisya at itinimbre ang kinaroroonan ni Jaruso kinahapunan noong Sabado.
Nakipagkasundo si Jaruso na makipagkita sa kaniyang dating ka-live in sa isang mall. Sumama ang mga pulis at dinakip ang suspek.
Hindi umano nagustuhan ni Jaruso ang pakikipagkita ng babae sa biktima at naghihinala siyang may relasyon ang dalawa.
"Talaga? Lagi kaming magkasama may pruweba ka? Kinain ka na ng chismis eh!" sabi ng dating live in partner ni Jaruso.
Hindi napigilan ni Jaruso ang pag-iyak habang humihingi ng tawad sa dating karelasyon.
"Ang taas-taas ng pangarap ko!" anang suspek.
"OK ka na sana eh. Sinabihan na kita eh. Sinabihan kita noong isang linggo na hayaan mo na sya," sabi ng live in partner ni Jaruso.
Sinalubong si Jaruso ng kaniyang mga magulang sa presinto at hindi rin nila napigilang umiyak.
Bago ipasok sa selda, umamin si Jaruso na nagawa niya ang pagpatay dahil sa pagmamahal sa dating karelasyon.
Inamin naman ng babae sa kaniyang salaysay na kahihiwalay lang nila ng Jaruso at dati niyang nakarelasyon si Alcala kaya malaki ang galit ni Jaruso sa biktima.
"Ito ay matagal na nilang away sa mga nakaraan pa. Old grudge," sabi ni Villanueva.
Hawak na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD ang suspek, at sinampahan ng kasong murder. —Jamil Santos/JST, GMA News
