Patay ang isang lalaki nang pagbabarilin habang nakikipaglamay sa Quezon City nitong Huwebes ng gabi. Kahit nagtago na sa nakaburol, hindi tinantanan ng salarin ang biktima.

Sa Ulat ng "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Joseph Rivera na nasa isang lamayan sa Kagandahan Street sa Barangay Batasan Hills.

Nagsusugal sa lamay si Rivera, isang electrician, nang pagbabarilin siya, ayon sa Ulat ni James Agustin.

Pahayag ni Louie Larracas, saksi sa pamamaril, may biglang nagpaputok ng baril kaya nagtakbuhan ang ibang nakikilamay palabas.

Nakatakbo pa ang biktima sa loob ng bahay kung saan isinasagawa ang burol, pero sinundan pa rin siya ng suspek at muling pinaputukan.

Nakasuot ng bonnet, jacket, at sumbrero ang suspek na tumakas sakay ng motorsiklong minamaneho ng naghihintay na kasabwat.

Nakuha ng SOCO ang limang basyo ng bala sa lugar.

Ayon sa mga kamag-anak ng biktima, wala raw itong kaaway kaya hindi nila alam ang posibleng motibo sa krimen.

Masama rin ang loob ng pamilya ng nakaburol na pinaglamayan dahil hindi man lang umano nirespeto ng salarin ang lamay. —Maia Tria/LBG, GMA News